Binatilyo, Kinatay sa Lugawan

ISANG MALALIM na tama ng saksak sa likod ang ikinamatay ng isang binatilyo na kagagawan ng isa sa dalawang hindi nakikilalang lalaki habang ang biktima ay kumakain sa loob ng tindahan ng lugaw sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Patay na ng idating sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng isang malalim na tama ng saksak sa likod ang biktimang si Jasper Cruz, 19, binata at residente ng # 59 Guido-3, Maypajo ng nabanggit na lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyo nina SPO1 Joselito Barredo Jr. at PO2 Micheal Ramirez, pawang may hawak ng kaso, bandang alas 3:-00 ng umaga nang maganap ang pananaksak sa loob ng Marinel’s Lugawan na matatagpuan sa J. Rodriguez St. kanto ng A. Mabini St.

Nabatid na kumakain ng lugaw ang biktima kasama ng isang Joven Caes, 19, binata, ng # 110 Osusan St. sa loob ng nasabing tindahan ng lugaw nang biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang kalalakihan na pawang armado ng patalim.

Isa sa mga suspek ang walang sabi-sabing inundayan ng saksak ang biktima sa gawing likurang bahagi ng katawan at nang duguang humandusay ang biktima ay mabilis na nagsialis ang mga suspek.

Dali-dali namang dinala ni Caes ang biktima sa nasabing pagamutan subalit hindi na umabot nang buhay.

May hinala ang pulisya, na selos o kaya mortal na kaaway ng biktima ang dalawang suspek dahil bago maganap ang krimen ay may inihatid na dalawang dalagita ang biktima bago naganap ang pagpatay.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ang nasabing himpilan ng pulisya ng paghahanap laban sa dalawang hindi nakikilalang suspek para sa ikadarakip ng mga ito sa lalong madaling panahon.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.