Binata, Kritikal sa Kuyog ng 3

AGAW BUHAY sa pagamutan ang isang 24 anyos na binata makaraang pagtulungan bugbugin at pagsasaksakin ng tatlong hindi nakikilalang kalalakihan habang ang una ay naglalakad pauwi sa kanilang bahay sa Caloocan City, iniulat ng pulisya kahapon ng umaga.

Kasalukuyang inoob-serbahan sa Manila Central University (MCU) hospital si Ryan Canama, residente ng # 80 Panday Pira St., Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.

Kaagad namang nagsitakas ang mga hindi nakikilalang suspek sa hindi nabatid na direksiyon, kung saan ang mga ito ay pinaghahanap na ng mga awtoridad.

Base sa ulat ni PO3 Rex R. Ubias, may hawak ng kaso, dakong alas-1:14 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Konsehala St., Bagong Barrio.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Ubias, naglalakad ang biktima pauwi na sa kanilang bahay nang biglang lumitaw ang mga suspek mula sa likurang bahagi ng biktima.

Kaagad na pinagtulu-ngang bugbugin ng mga suspek ang biktima at hindi pa nasiyahan ang isa sa mga ito ay bumunot ng patalim at pinagsasaksak si Canama sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa kabila nito, nagawa pa ng biktima na makatakbo pauwi sa kanilang bahay para humingi ng tulong sa kanyang mga kaanak.

Mabilis na dinala ang biktima ng kanyang mga kaanak sa nasabing pagamutan kung saan ito ay nasa kritikal na kalagayan habang ang mga suspek naman ay mga nagsitakas.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng nasabing insidente at ang motibo at pagkakakilanlan sa mga suspek.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.