Billy Crawford, napagkakamalang mayabang!

ANG PAGIGING PALABIRO at palaging nauunang pamamansin o pagbati ni Billy Crawford sa ibang tao sa kanyang paligid, lalo na rito sa showbiz ay ipinagkakamali ng marami sa ugaling kayabangan. Pero sa totoo lang, iyon na ang natural na ugali ng boyfriend ni Nikki Gil kahit nu’ng totoy pa lang siya na pinakabata at pinakamaliit na member sa Tuesday Group ng That’s Entertainment ni Kuya German Moreno.

Child star pa lang noon si Billy, hindi siya natatakot na makipag-usap sa press, kahit wala siyang bantay, dahil hindi pa uso noon ang handler. Diretso niyang nasasagot ang tanong ng nag-i-interview sa kanya. Noon ay talagang palabiro na siya para mapasaya ang mga tao sa kanyang paligid, kaya walang mali sa kanyang mga ikinikilos ngayon. Iyon din ang nagustuhan sa kanya ni Nikki, at ipinagmamalaki ng dalaga na napakasayang maging boyfriend si Billy. Kasi nga, kalog ang binata. Napakalambing din ng ugali, na nagugustuhan ng maraming kababaihan. Kaya hindi itinatanggi ni Nikki na minsan ay nagseselos pa rin siya sa ibang babae, kahit sinisiguro sa kanya ni Billy na wala naman siyang dapat na pagselosan pa.

Nu’ng bagets pa lang si Billy na wala pang mas-yadong raket, pinagtataasan ng kilay ang kanyang pagiging mapagbigay, dahil T-Shirt lang naman ang lagi niyang ipinamimigay. Nu’ng bongga na ang career niya at nagiging galante ‘pag minsan sa kanyang pagbibigay, iniintriga naman siya na pa-star daw at umeeksena. Cool lang si Billy palagi kahit kuwestiyunin ang kanyang mga kilos at ginagawa. ‘Yung mga lubos na nakakakilala sa kanya mula sa kanyang pagkabata, alam ang ugali ng singer/TV host, na mahal lang talaga niya ang mga tao, bagay o pangyayari na may kinalaman sa showbiz.

 

LIMANG TAON NA ang itinagal ng relasyon nina Derek Ramsay at Angelica Panganiban, kaya naman wala talagang inililihim ang actor tungkol sa itinatakbo ng kanilang pagmamahalan kung bakit patuloy pa silang nagiging tapat sa isa’t isa. Inamin nga ng binata sa presscon ng pelikulang No Other Woman ng Star Cinema, na hindi perpekto ang kanilang relasyon, dahil ang dami-dami na talaga nilang pinagdaanang mga pagsubok gaya ng tampuhan at iba pang gusot. Pero hindi raw ibig sabihin ay nagkakasawaan na sila. Bagkus, ipinagmamalaki ni Ramsay na masaya pa rin siya sa relasyon nila ng magandang aktres.

Nakakabilib si Derek, dahil consistent siya talaga sa kanyang mga katuwiran magmula noong una namin siyang makilala sa pagsisimula niya sa showbiz, hanggang ngayon. Hindi siya katulad ng ibang guwapong aktor na mayroong mga karelasyon, na sobrang magpakalinis at para bang gustong palabasing perpekto silang magmahal. Si Derek kasi ay aminado na marami namang mga babaeng tukso na lumalapit sa kanya. Kaya lang, tinatawanan na lang daw niya. Hindi raw niya ugali ang mambastos ng mga babae. Inaabala niya raw ang kanyang panahon sa dami ng kanyang trabaho, para mas makaiwas siya sa tukso. Ang haba rin talaga ng hair ni Angelica, dahil ang aktres din ang dahilan ng kanyang mga pag-iwas sa maraming tukso, dahil ayaw niyang masaktan ang kanyang karelasyon.

Hindi rin naniniwala si Derek, na sa madalas na pagkakaroon ng mga lalaki ng pagmamahal sa mga babae ay kailangang magsimula iyon sa libog lamang na dapat niyang maramdaman sa isang babae bago totoong pagmamahal ang iukol niya sa isang girl. Para sa kanya, importante pa rin ang respeto, pagkakahulihan ng loob hanggang sa pumasok na sila sa isang relasyon. Maraming babae ang nagpapatunay niyan, dahil friendly si Derek sa mga kababaihan.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.