Bilibid, ginugulo ng mga ganid

 

UNTI-UNTI NANG naliliwanagan si DOJ Sec. Leila De Lima kaugnay sa kontrobersiyang lumutang kamakailan lamang sa Bureau of Corrections, kung saan isang empleyado ang nagdawit sa Bucor Director na si Gen. Gaudencio Pangilinan, ito ang ipinahayag ng isang malapit kay Sec. De Lima na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ayon sa source, isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng ilang piling tauhan ng DOJ, kung saan inisyal na napag-alaman ng kalihim na ang empleyadong si Kabungsuan Makilala ay ginagamit lamang ng ilang ganid na may-ari ng ilang “catering services” na matinding naapektuhan dahil sa paglilinis na isinagawa ni Dir. Pangilinan.

Matatandaang si Makilala na siyang nagsiwalat ng mga paratang sa mga umano ay anomalya sa Bilibid ay nauna nang umamin na masama lamang ang kanyang loob kay Director Pangilinan dahil maging ang kanyang canteen sa loob ng NBP reservation ay ipinagiba ng Bucor director.

Idinagdag din ng nasabing source sa DOJ na napag-alaman din ni De Lima na ang mga paratang ni Makilala ay bunga lamang ng isang “well-funded demolition job” laban kay Pangilinan, gaya ng hindi pagsasagawa ng bidding sa mga proyekto, VIP treatment kay inmate Rolito Go at kaduda-dudang pagbili ng mga bigas.

Bilang isang matinik na abogado, alam umano ni De Lima na ang bawat proyekto na hindi umabot sa “ceiling” na itinatadhana ng Procurement Law, bagama’t hindi ito dadaan sa isang bidding ay hindi pa rin maaaring basta na lamang ipagkaloob sa sinumang contractor dahil idinadaan pa rin ito sa canvass sa ilang supplier/contractor, kung saan ang may pinakamababang presyo at quality ang dapat pagkalooban.

Idinagdag pa ng source na taliwas sa VIP treatment kay Rolito Go na ipinararatang ni Makilala, napag-alaman umano ni Sec. De Lima na ang nasabing bilanggo ay isa lamang sa napakaraming preso na binigyan ng mga obligasyon sa loob ng kulungan gaya ng pagtatanim, pagwawalis at iba pa, kung saan ang directive o trabahong nakaatang kay Go ay ang araw-araw na paglilinis sa simbahan sa loob ng kulungan na Ina ng Awa Chapel, at ito ay may kumpletong legal na dokumento sa pagiging orderly inmate.

Maging ang isyu ng bigas o pagkain na ipinaratang ni Makilala ay bistado na umano ni Sec. De Lima na mula noong umupo si Dir. Pangilinan ay kaagad nitong nilinis ang monopolya sa “catering services” o nagpapakain sa mga bilanggo, kung saan ang pamahalaan ay gumagastos ng nasa P1.5M bawat araw. Ang ginawa umano ni Pangilinan ay inalis sa dalawang kontratista lamang at ito ay binuksan sa maraming kontratista upang magkaroon ng kumpetisyon.

Ang nasabing hakbang ni Pangilinan ay hindi umano nagustuhan ng dalawang apektadong kontratista kaya pinondohan ng mga ito ang paglutang ni Makilala upang masibak ang Bucor director para muling mamayagpag ang mga ganid na contractor, ayon pa sa DOJ source.              (JUN BRIONES)

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.