Bilang sagot sa reklamo ng mga magsasaka
Paghinto sa rice smuggling tiniyak ng gobyerno

NAGBIGAY NG katiyakan ang gobyernong Aquino na ser-yoso nitong hinaharap ang matagal nang problema sa ‘rice smuggling’ na matagal na ring ‘pinapasan’ ng ating mga magsasaka.

Ang pagtitiyak ay ginawa ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio ‘Sonny’ Coloma noong Martes, kasabay nang pagsambulat ng mga kilos protesta ng mga militanteng grupo ng magsasaka sa Davao City sa harapan ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA).

Ayon sa militanteng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), “nababagalan” na umano sila sa pag-aksyon ng pamahalaan hinggil sa nasabing problema na dahilan umano upang lumiit na ang kanilang mga kinikita sa pagtatanim ng palay.

Sagot naman ni Coloma, inatasan na ni Pang. Benigno Aquino III ang Bureau of Customs (BOC) na agarang ipatupad ang anim na mga bagong patakaran upang tiyakin na hindi makapapasok sa bansa ang mga kontrabandong bigas.

Kabilang na umano rito ang ‘pagpurga’ sa sistema ng pagrerehistro sa mga ‘importer,’ pag-monitor sa transaksyon sa mga ‘customs bonded warehouse’ (CBW) at ‘computerization’ ng lahat ng transaksyon sa ahensiya.

Dagdag naman ni NFA administrator Orlan Calayag sa panayam sa kanya ng media, agaran din nilang ipatutupad ang utos ni Pang. Aquino na huwag nang bigyan ng ‘import permit’ (IP) ang mga kooperatiba at grupo ng mga magsasaka na walang kakayahan na pondohan ang pag-aangkat ng bigas.

Sa ginagawang pagdinig ng Senado at Kongreso sa isyu ng rice smuggling, natuklasan na ang IP ng mga naturang grupo ang “binibili” ng mga katulad ni Davidson Bangayan, alias ‘David Tan,’ upang makapagpasok sa bansa ng malalaking bulto ng bigas.

Ito ay sa kabila ng pagtitiyak ni Calayag na hindi rehistrado si Tan at ang mga prente nitong kumpanya sa NFA bilang importador ng bigas.

Suportado naman ng mga mambabatas at kahit ng mga lehitimong grupo ng mga magsasaka ang posisyon ni Calayag at DA Sec. Proceso Alcala na patuloy na limitahan (“quantitative restriction”) ang pagpasok ng bigas sa bansa.

Sa kabila ng pagkontra ng grupo ni Bangayan/Tan, patuloy sa kanyang paninindigan si Alcala na ‘no IP, no entry’ sa mga imported na bigas kung saan ang walang pahintulot mula sa NFA ay agad na kukumpiskahin ng BOC bilang ‘smuggled rice’.

Anang kalihim, ang limitasyon sa pagpasok ng bigas ay nakasaad sa RA 8178 na ipinasa ng Kongreso at hindi puwedeng isantabi tulad ng gustong mangyari ng grupo ni Tan.

Dagdag pa ni Alcala, patuloy pa ring nakiki-pag-usap ang Pilipinas sa ‘World Trade Organization’ (WTO) hinggil sa karapatan ng bansa na limitahan ang pagpasok ng bigas bilang proteksyon sa sektor ng pagsasaka.

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.