Bilang pasukan na, Google ay to the rescue na naman!

SALAMAT, MAY Google!” Google na nga siguro ang may pinakamaraming papuri at pasasalamat na natatanggap mula sa mga tao lalung-lalo na mula sa mga kabataan. Paano ba naman, sa isang click mo lang, lahat ng hinahanap mo, nasa Google na. Lahat ng katanungan mo, kayang sagutin ng Google. Kahit nasaan ka man, kahit anong oras pa iyan, basta ikaw ay may Internet, asahan mo, hindi ka bibiguin ng Google.

Sabi nila, kapag ang isang brand ay parte na ng pang-araw-araw nating mga salita o ginagawa na natin itong verb o pandiwa, noun o pangngalan ng ating pangungusap, ibig sabihin lang nito ay may kakaibang impluwensiyang nadulot ang brand na ito.

Sa mga nakaraang taon, buwan, linggo at araw, maaalala mo bang sinasabi ang mga linyang ito? “Uy, i-google mo na.” “Na-google ko na ang assignments.” “Sa Google mo na lang tingnan.” “Sabi sa Google….”

Pamilyar, hindi ba? Lalo na kapag pasukan at tambak na ang mga proyekto, research, at assignments sa eskuwela, Google ang nagiging karamay mo. Kaya naman hindi kataka-taka na nitong nakaraan lamang, hinirang na “World’s Top Brand” ang Google. Matapos ng ilang taong pangunguna ng Apple sa listahan ng Top Brands, tinalo ito ng Google sa unang pagkakataon.

Ayon sa Millward Brown, isang global company na binibigyang pokus ang mga brands at media communications, ang Google din ay ang pinakamahal na brand matapos tumaas ang halaga nito nang 40% at naging 159 billion dollars na. Habang ang dating numero uno sa listahan nang tatlong taon na Apple ay bumaba ng 20% ang kanilang market value. Hindi na rin naman kaduda-duda na ganito ang resulta dahil aminin man natin o hindi, walang araw na puwedeng lumipas nang hindi nagagamit ang Google. Plus pogi points din ng Google ang kanilang maraming serbisyo bukod pa sa pagbibigay ng mga kasagutan ninyo. Maliban sa pagiging isang web search engine, ang Google din ay mayroong online advertising technologies, cloud computing, at software.

Taong 1998 nang naging isang pribadong kumpanya ang Google. Ito ay ginawa at pinangunahan nina Larry Page at Sergey Brin, mga PhD graduates ng Standford University. Ang Google din ay mayroong G-mail, isang software e-mail; Google Drive, isang office suite; Google+, isang social networking site; Google Chrome, isang browser-only; at Google, isang search engine.

Masasabi nating lahat na nga, mayroon ang Google. Akalain mo na maging sa ating mga android phones at tablets ay narating na rin ng Google. Sa mga android ang hawak diyan, tingnan n’yo, ‘di ba, Google ang operating system ng mga ‘yan? At ‘di lang iyon, pati wifi napuntahan na rin ng Google kaya nga mayroon na ngayong Google Fiber broadband service. Huwag n’yo ring kalilimutan na ang pinakasikat na YouTube ay pagmamay-ari na rin ng Google. Saan ka pa?

Mapakakanta ka talaga ng “Nasa ‘yo na ang lahat…” kapag Google ang pinag-uusapan. Sana lang, lahat ng inobasyon na dala ng Google ay gamitin sa nakabubuti at hindi sa nakasasama tulad ng pandaraya o pambu-bully na talaga namang talamak sa mundo ng Internet ngayon. Kaya mga bagets, hinay-hinay lang sa paggamit.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 8 Issue 70 June 5- 7, 2015
Next articleAyaw Kilalanin ng Ama

No posts to display