Bilang paghahanda sa lindol Earthquake drill sa eskuwelahan, ipinag-utos

BILANG PAGHAHANDA SA posibleng pagkakaroon ng malakas na lindol sa bansa ay ipinag-utos kahapon ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) na magsagawa ng regular earthquake drill sa lahat ng paaralan sa lungsod.

Ayon kay Tiangco, ang pagsasagawa ng earthquake drill ay upang matulungan ang mga estudyante at school personnel ng 29 na paaralan kung ano ang dapat gawin sakaling may maganap na lindol sa ating bansa.

Magiging aktibo rin ngayon ang Joint Rescue Team (JRT) matapos na ipag-utos ng alkalde na makipag-ugnayan ang mga ito sa LDRRMO na siyang tutulong sa pagsasagawa ng earthquake drill hindi lamang sa mga paaralan kundi maging sa lahat ng establisimyento.

Inatasan na rin ni Tiangco ang lahat ng opisyal ng 14 na barangay sa lungsod na gawing aktibo ang kanilang Barangay Disaster Coordinating Council na siyang tutulong sa mga residente kapag nagkaroon ng anumang sakuna.

Kaugnay nito, magsasagawa rin ng regular inspections ang city engineering office sa mga establisimyento upang matukoy kung may mga gusali sa lungsod ang hindi sumusunod sa building code.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 8881 stories on this site.

Comments are closed.