Biktima ng Dengue sa Ilocos Sur, umabot na sa 2,293

UMAABOT NA SA 2,293 ang naitalang kaso ng Dengue sa Ilocos Sur base sa record ng Provincial Health Office mula Enero hanggang Agosto 2011.

Ayon sa pamunuan ng PHO, 370% ang itinaas nito kumpara sa naitalang rekord noong 2010 at dahil dito, nasa state of calamity pa rin ang naturang lalawigan dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga nagiging biktima.

Inaasahan na sa mga darating pang mga araw sa mga buwan ng Setyembre hanggang Disyembre ay tataas pa ang bilang ng mga magiging biktima dahil sa patuloy na pag-ulan na mas lalo pang magpapadami sa bilang ng mga lamok na Dengue carrier.

Base sa record ng Provincial Health Office, nabatid na pinakamataas pa rin ang Vigan City na may 232 na kaso; nasa pangalawa naman ang bayan ng Sto. Domingo na may 201, kaso; at pumapangatlo dito ang bayan ng Bantay at Cabugao na kapwa may 192 na bilang ng biktima.

Sa 2,293 na ito, 12 rito ang naiulat na binawian ng buhay.

Kaugnay nito, nanawagan si Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson sa lahat ng kanyang mga kaprobinsya na mas lalo pa nilang paigtingin ang ginagawang “operation taob” at pati na rin ang paglilinis sa mga makakahoy nilang bakuran para mapaalis at mapuksa ang mga lamok na ito na nagdadala ng sakit sa mga tao.

(ROLANDO S. GAMOSO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.