Bigong Holdap sa Bangko; 2 Katao, Arestado

NADAKIP NG pinagsanib na puwersa ng Meycauayan Police at Provincial Intelligence Branch ang dalawa sa tatlong suspek sa umano’y tangkang panghoholdap sa Liberty Bank sa MacArthur Hi-way, Meycauayan City, Bulacan.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Hector Samar kay PNP Provincial Director Senior Supt. Fernando Mendez, Jr., kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Cristopher Dikit, 30 anyos, may-asawa, walang trabaho at residente ng Banez St., Brgy. Bayugo, Meycauayan City; at Robin Barlan, 37, taga-Anonas St., Brgy. Balangkas, Valenzuela City; habang pinaghahanap naman ng pulisya ang isa pang suspek na si Willie Ciano.

Nabatid na kilalang mga miyembro ng notoryus na Noque at Camargo Robbery Group ang mga suspek na responsable sa serye ng panghoholdap sa Bulacan at Metro Manila.

Base sa inisyal na imbestigasyon, papasok umano sa loob ng bangko si Atty. Aristeo Cruz, assistant general manager ng Liberty Bank, habang ang kanyang personal assistant na si Vincent Tuazon ay kukunin ang isang itim na bag sa kanilang sasakyan nang biglang tumambad ang isa sa mga suspek at tinutukan sila ng baril.

Kinuha ng suspek ang kalibre .38 ng security guard na si Teofilo Juson at ang itim na bag ni Cruz na dala ng alalay nito.

Ayon kay Samar, agad na napansin umano ng mga security guard sa loob ng bangko ang nangyaring kaguluhan sa labas kaya dali-dali nilang ini-lock ang pinto.

Nang mapansin ng mga suspek na hindi nila mapapasok ang bangko, tumalilis na ang mga ito sakay ng dalawang motorsiklo, bitbit ang baril ng security guard at ang bag ni Cruz na naglalaman ng check book, calculator, 2 cellular phones at gift certificate.

(TONY DELA PEÑA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.