Big 4, target ng PNP

TARGET NG pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na isunod sa nadakip na si Delfin Lee ang tinaguriang ‘big 4 high profile fugitives’ sa bansa.

Ang nasabing ‘big 4’ ay kinabibilangan nina Ret. Army Major General Jovito Palparan, dating Commander ng Army’s 7th Infantry Division (ID); magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes at si Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr.

Sinabi ni PNP Public Information Office (PNP-PIO) Chief P/Chief Supt. Reuben Sindac na lalo pang pinaigting ang operasyon ng PNP Task Force Tugis para mahuli ang ‘big 4 high profile fugitives’

Ayon kay Sindac, may impormasyon na sila kung saan-saan nagtatago ang ‘big 4’ pero hindi nito maaaring sabihin para hindi mabulilyaso ang naturang operasyon ng PNP.

Si Palparan na bi-nansagang ‘berdugo’ ng makakaliwang grupo ay kinasuhan ng kidnapping/ illegal detention ng pamilya ng dalawang missing UP students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno noong 2006.

Ang magkapatid na Reyes naman ay tinutugis naman sa pagpaslang sa brodkaster na si Doc Gerry Ortega na pinagbabaril noong Enero 24, 2011.

Habang si Ecleo ay convicted naman sa kasong parricide dahil sa pagpatay sa asawa nito na si Elena Bacolod.

Ang magkapatid na Reyes ay may 1.55-M reward kapalit ng kanilang pagkakadakip habang si Ecleo ay P.5-M at P1-M naman si Palparan.

Ang pinaigting na pag-hahanap ng PNP sa ‘big 4’ ay kasunod ng pagkakatimbog noong kamakailan kay Delfin Lee na dawit sa mahigit  P6.6 bilyong housing loans scam.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.