Biazon, Malakas pa rin Kay PNoy

SINABI NG Palasyo na nananatili pa rin ang tiwala at kumpiyansa ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III kay Customs Commissioner Ruffy Biazon.

Ito ay sa kabila ng kaso ni Biazon hinggil sa P10 bilyong pork barrel fund scam, dahil sa umano’y pagbibigay nito ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa pekeng organisasyon ni Janet Lim-Napoles noong nanunungkulan pa bilang kongresista sa Muntinlupa.

Ayon sa pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma sa tanong kung may “trust and confidence” pa rin ang pangulo sa komisyoner, “Wala namang indikasyon to the contrary.”

Gayunman, kakausapin pa rin ng punong ehekutibo si Biazon kaugnay ng nasabing kaso. Paniwala pa ni Coloma na kasama sa aalamin ng Pangulong Aquino ang posisyon ng komisyoner sa isinampang reklamo ng Department of Justice (DOJ) at ang kakayahan nitong gampanan ang tungkulin sa gitna ng kontrobersiya.

Pinuri naman ng Palasyo ang pahayag ni Biazon na haharapin niya ang kaso.

Una nang inihayag ng Malacañang na batay sa batas ay hindi naman kailangang mag-leave ni Biazon.

Nobyembre 29 nang mapabilang ang komisyoner na kilalang kaalyado ni PNoy sa ikalawang batch ng pork scam cases na inihain ng DOJ sa Ombudsman.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.