Biazon, Deadma sa Pagiging ‘Sacrificial Lamb’

HINDI UMALMA si dating Customs Commissioner Ruffy Biazon sa bansag ng ilang kritiko na isa siyang ‘sacrificial lamb’ ng administrasyon ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Ito ay matapos siyang magbitiw sa puwesto sa harap ng kaso hinggil sa P10 bilyong pork barrel fund scam.

Ayon sa dating Custom chief, “Tanggap ko ‘yung [pork scam case] na desisyon ng DOJ (Department of Justice). At this point, if that (sacrificial lamb) is the role I am playing, so be it. Kung dito maipapakita na ang administrasyon ay hindi tumitingin sa kulay ng partido, so be it.”

Hindi rin aalis si Biazon, maging ang ama niyang si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, sa Liberal Party (LP) ng Pangulong Aquino.

Inihayag din ni Biazon na bukod sa kanyang pamilya, nais niyang maprotektahan ang punong ehekutibo laban sa panibagong kontrobersya lalo’t kilala siyang kaalyado nito.

Idinadawit si Biazon sa umano’y pagbibigay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa bogus na organisasyon ni Janet Lim-Napoles noong nanunungkulan pa bilang kongresista ng Muntinlupa.

Mariing itinanggi ng dating Custom Chief ang naturang akusasyon, pero naniniwala siyang sasamantalahin lang ng ilang kalaban ang isyu kung kakapit siya sa puwesto.

Aminado rin si Biazon na hindi niya nakumpleto ang layuning makapagpasa ng amyenda sa batas ng Customs na makapagpapabago sana sa sistema nito. Ito’y dahil hindi ito pumasa sa 15th Congress bagama’t tinatrabaho pa rin sa kasalukuyan.

Umaasa siyang maipagpapatuloy ito ng susunod sa kanya at matatapos din sa termino ng pangulo.

Samantala, kaugnay na rin ng pagtatalaga ni PNoy ng bagong pinuno sa ahensya, umaasa ang dating Custom chief na matatag ang mapipili nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.