Benhur Luy, sinipa ang abogado

KINUMPIRMA NI Justice Sec. Leila de Lima na tinanggal na bilang abogado ng whistleblowers sa PDAF scam si Atty. Levito Baligod.

“Sinulatan na ho pala ni Benhur (Luy) ang kanyang abogado na si Atty. Levito Baligod na sinasabi na hindi na siya ang kanyang abogado mula ngayon (mula kamakalawa), March 3,” pahayag ng kalihim.

Sinasabing kakula-ngan sa oras ni Baligod ang idinahilan ni Luy sa kanyang naging desisyon.

Inihayag pa ni De Lima na ang liham ay sulat ni Luy kay Baligod kung saan nagpasalamat pa ito sa abogado para sa serbisyo nito.

Hindi pa naman nakakausap ng kalihim si Luy ukol dito.

Nanindigan din si De Lima na wala itong magiging epekto sa kanilang laban sa kaso. Ito’y dahil si Luy naman ang witness sa nasabing kaso.

Pero ayon sa kalihim, prerogative ng kliyente na palitan ang kanyang abogado.

Tinawagan na ni De Lima si Baligod ukol dito, at tumugon aniya ito na wala siyang magagawa kung ito ang naging desisyon ng kanyang kliyente.

Sinabi pa ni De Lima na mayroong tatlo o apat na abogado ang bubuo sa bagong legal counsel ni Luy.

Inamin din nito na ilang linggo na ang nakakaraan nang marinig niya na may “tampo” si Luy sa nasabing abogado.

Maaalala na si Baligod din ang abogado ng isa pang whistleblower na si Merlina Suñas.

Hindi pa naman nakukumpirma ni De Lima kung ano ang lagay ng pagki-kliyente nito kay Suñas.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.