Bebot, Pinatay ng Kalaguyo; Suspek, Nagpakamatay Rin

PINANINIWALAANG BINARIL at napatay ang isang babae ng kanyang kinakasama bago nagbaril sa ulo ang lalaki sa loob ng apartelle sa Baguio City kamakailan.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa pamamagitan ng identification card na nakuha mula sa bangkay nito na si Angelito Rivero, 39, ng Meycauyan City, Bulacan habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng babaeng biktima.

Lumalabas sa report na nakarating kay P/Supt. Davy Vicente Limmong ng Cordillera PNP, nadiskubre ng roomboy ang duguang katawan ng dalawa bandang alas-10 ng umaga na magkatabi sa kama sa Room 202 Ferioni 2 Apartelle sa # 46 Lower Phil-Am.

Nabatid na nag-check-in sa naturang apartelle ang dalawa noong Hulyo 14 na nakatakdang mag-checkout kamakailan.

Nang hindi pa lumalabas ang dalawa sa nakatakdang check-out ay kinatok na ng roomboy na si Gaspar Durin, subalit walang sumasagot kaya napilitan ang management na gamitin ang master key para buksan ang pintuan.

Dito na tumambad na nakalugmok  ang dalawa sa kama at may tama ang bala ang cal. 38 revolver sa dibdib.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operative (SOCO) sa pamumuno ni P/Supt. Jaime Rodrigo Leal ang cal. 38 Smith and Wesson revolver at tatlong basyo ng bala.

Samantala, isinasailalim na sa masusing pagsisiyasat ang nangyaring na krimen kung nag-suicide o may foul play sa pagkamatay ng dalawang lover.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.