Bebot na Naliligo sa Banyo, Dedo sa Ligaw na Bala

MALAKING KAMALASAN ang nangyari sa buhay ng isang babae matapos na tamaan ng ligaw na bala habang nasa loob kanilang banyo at naliligo nang mapadaan sa harap ng kanyang bahay ang tunay na target ng dalawang armadong kalalakihan kamakalawa ng umaga sa Caloocan City.

Kinilala nina SPO3 Joel Montebon at PO3 Michael Olpindo ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Caloocan City Police ang namatay na si Lizel Biol, 28, ng Block 52, Lot 5, Phase 3F2 ng nabanggit na lungsod.

Kritikal naman sa Pagamutang Bayan ng Malabon si Domingo La Torre, 32 anyos, construction worker at nakatira sa Phase 3, A-2, Barangay 8, Dagat-dagatan, Caloocan City matapos na magtamo ito ng tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa tiyan.

Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-11:00 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa lugar ng biktima sa nasabing lugar.

Nabatid na bago ang insidente ay naglalaro ng bilyar ang biktimang si La Torre hindi kalayuan sa bahay ng namatay na biktima. Sa puntong iyon, biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang suspek na pawang armado ng baril at isa sa mga suspek ang agad na pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa tiyan.

Bagama’t may tama na ng bala sa kanyang katawan, nakuha pang tumakbo papalayo ni La Torre ngunit hinabol pa rin siya ng mga suspek habang pinapaulanan ng bala hanggang sa matapat ang lalaki sa bahay ng biktimang si Biol na kasalukuyang naliligo sa loob ng kanilang banyo at natamaan ng ligaw na bala ng baril.

Doon na siya lumabas ng kanilang banyo at hu-mingi ng tulong sa kanyang mga kasama sa bahay dahilan upang agad na dalhin sa nasabing pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.

Samantala, naisugod din sa pagamutan si La Torre ng mga residente sa nasabing lugar sa Tondo General Hospital na nasa kritikal nga-yong kundisyon.

Napag-alamang mayroon pala umanong nakaaway si La Torre sa Tondo kamakailan na dati nilang tinitirahan at dati na rin umanong nakulong ito sa kasong Murder ngunit sa hindi na nalamang dahilan ay nakalaya ito.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang nasabing himpilan upang agad na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at mapanagot sa kanilang ginawang krimen.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.