Bebot na Intsik, nilooban na, binugbog pa ng sekyu

SUGATAN ANG isang dalagang Chinese national matapos umano itong bugbugin at looban ng isang security guard na nakatalaga sa mismong condominium na tinitirhan nito sa Pasay City.

Nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Dan Huang, 29, nanunuluyan sa Unit 5-B Pine Crest 2 Condominium, New Port City, Andrew Avenue ng nasabing lungsod.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang salarin na si Reynaldo Rodriguez, 21, na ayon sa ulat na natanggap ni  Chief Inspector Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-3:00 ng hapon sa tinutuluyang condominium ng biktima kung saan nakatalagang  guwardyang salarin.

Napag-alaman na pinuntahan ng sekyu ang unit ng biktima at nagkunwaring magsasagawa siya ng inspection sa unit nito.

Pinagbuksan naman ito ng dayuhan at nang matiyak ng suspek na nag-iisa ang biktima ay bigla niya itong pinagsusuntok dahilan upang matumba ang dalaga at nawalan ng malay.

Ilang minuto at bahagyang bumalik ang malay ng biktima ay kaagad nitong tinawagan ang isang kaibigan na nagnga-ngalang Jelene Tan, 31, nakatira rin sa nasabing condominium at isinugod ito sa nasabing pagamutan.

Samantala, ang sekyu naman ay mabilis na tumakas tangay ang wallet ng biktima na naglalaman ng hindi pa mabatid na halaga ng pera at ang dalawang cellphone.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.