Bebot, Hinoldap sa Loob ng Simbahan

KULUNGAN ANG kinsadlakan ng isang lalaki makaraang maaresto ito ng mga awtoridad matapos na holdapin at saktan nito ang isang babae sa loob ng simbahan sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi

Kinilala ng Valenzuela Police Station ang naarestong suspek na si Christian Datuin, 27 anyos, ng Asores St., Barangay Patubig, Marilao, Bulacan habang biktima ay nakilalang si Marcris Lahora, 33, may-asawa at naninirahan sa # 259 Tangke St., Malinta, Valenzuela City.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng nasabing himpilan ng pulisya, dakong alas-8:00 ng gabi kamakalawa nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng San Isidro Labrador church na matatagpuan sa Brgy. Malinta.

Nabatid na kasaluku-yang nakaluhod at nanana-langin ang biktima sa harap ng altar nang lapitan ito ng nasabing suspek na armado ng patalim at pilit na kinaladkad ang biktima patungo sa comfort room ng nasabing simbahan.

Sapilitang kinuha ng suspek ang dalawang cellphone ng babae at iba pang mahahalagang kagamitan na nagkakahalaga ng P10,700.00 at nang ayaw ibigay nito ay inumpog ng una ang ulo ng babae sa sementadong dingding ng simbahan.

Matapos na makuha ng suspek ang kanyang pakay ay mabilis itong tumakas dala-dala ang kanyang nakulimbat habang ang biktima naman ay mabilis nagtungo sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Narekober sa holdaper ang mga nakuhang gamit ng biktima at ito ngayon ay nakapiit sa detention cell ng Valenzuela Police Station at nahaharap sa kasong Robbery with Physical Injuries.

(ROMAN MAGPOC)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.