Bebot, Binoga sa Mata, Kritikal

NASA KRITIKAL na kalagayan sa pagamutan ang isang babae makaraang barilin ng isang hindi nakikilalang suspek habang binubuksan ng una ang pintuan ng kanilang bahay sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Binigyan ng mga doctor ng Jose Reyes Memorial Medical Center ng maliit na porsyento para mabuhay si Jovelyn Domingo, 26, ng Masagana St., Heroes Del 96 sanhi ng tinamo nitong tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa kanang mata.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Caloocan City Police para malaman kung ano ang motibo at kung sino ang may kagagawan ng pagtatangka sa buhay ng biktima.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang barilin at malubhang masugatan ang biktima sa may pintuan ng kanilang bahay sa nasabing lugar.

Ayon kay Ronald Cabitog, nasa hustong gulang at live-in partner ng biktima, isang hindi nakikilalang suspek ang kumatok sa pintuan ng kanilang bahay dahilan upang magising ang kanyang kinakasama.

Sa puntong ito, kaagad na binuksan ng babae ang kanilang pintuan kung saan agad naman itong binaril ng suspek at pagkatapos ay mabilis na tumakas sa hindi nabatid na direksyon.

Mabilis na dinala ni Cabitog ang kanyang live-in partner sa nasabing pagamutan kung saan ito ay patuloy na inoobserbahan ng mga doktor habang nagsasagawa naman ang Caloocan PNP ng pagha-hanap laban sa suspek.

Ayon naman sa ilang kapitbahay ng biktima, may posibilidad na ipinagbabawal na droga ang ugat ng tangkang pagpatay sa biktimang si Domingo.

(ROMAN MAGPOC) 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.