Bea Alonzo, ginagamit si Zanjoe Marudo?!

MAGANDA ANG ATTITUDE ni Gladys Reyes kapag mayroong mga positibo at negatibong nasusulat ang press tungkol sa kanya. Katulad na lamang nitong huli, isang kasamahan sa panulat ang naglabas ng balita, na mayroong isang taxi driver na nagkuwento sa kanya, na diumano raw ay naisakay niya ang alaga ni Manay Lolit Solis sa kanyang taxi, dahil mayroong gumagamit ng kanilang mga sasakyan. Mula raw sa subdivision na tinitirhan ng aktres, ibinaba siya ng nabanggit na driver sa tapat ng isang casino, kaya tiyak na magsusugal daw ang wife ni Cristopher Roxas!

Ang pangit ng nasabing balita, dahil si Gladys ay miyembro ng Iglesia Ni Cristo. Ipinagbabawal sa kanila na masangkot sa pagsusugal. Pero, dahil kilala naman ng aktres ang kanyang sarili, kaya hinagilap at ipinagtanong niya ang cellphone number ng nagsulat na reporter. Laging gano’n si Gladys, kinakausap niya ang press na nagsusulat ng puri at tira sa kanya. Ang sa kanya ay hindi pagtataray kundi pakikipaglinawan tungkol sa mga isyu na dapat pag-usapan.

“Mahalaga kasi sa akin ‘yung magkapaliwanagan. Kung pupuwede kang magpaliwanag sa isyu, gawin mo. Huwag ‘yung ang attitude mo bilang artista ay magagalit ka kaagad sa nagsulat at sisirain mo ang araw mo dahil sa intriga. Nasa iyo naman ‘yon kung gusto mong mag-stop kaagad ang intriga. Sagutin mo or mag-deny ka kung hindi naman totoo. Hindi ako puwedeng magsugal, kaya kinaklaro ko lang, na hindi ako ‘yung tinutukoy ng taxi driver na hinatid niya sa casino,” wika ni Gladys.

CONTROVERSIAL NA NAMAN si Zanjoe Marudo. Pagkatapos nilang magkabati ni Cristine Reyes ay pinaghihinalaan naman siya, na diumano’y nagpapagamit sa sitwasyon ngayon nina Bea Alonzo, Kim Chiu at Gerald Anderson. Sina Bea at Zanjoe kasi ang magka-date nu’ng ganapin ang Star Magic Ball na ginanap sa Shangri-La Hotel, Makati. Nagkasama rin ang dalawa sa pelikulang Sa ‘Yo Lamang ng Star Cinema. Pero dati na ay pinag-uusapang nagliligawan ang dalawa.

Mayroon daw dapat na ipaliwanag si Zanjoe tungkol sa mga nangyayari. Nagpapagamit lang ba siya para mailigtas si Bea sa galit ng mga fans nina Kim at Gerald ngayong ang original na ka-loveteam ni John Lloyd Cruz ang itinuturong dahilan ng pagkakalabuan nina Kim at Gerald? Sa totoo lang, may iwasan factor talagang nagaganap para magkasama-sama sina Bea, Kim at Gerald. Para talagang mayroong mga taong gumagawa ng paraan para sila magkaiwasan sa mga panahong ito.

May usap-usapan kasi, na nu’ng matapos ang party, nang uwian na ay hindi na sina Bea at Zanjoe ang magkasama. Sina Bea at Gerald na raw ang namataan na masayang nag-uusap habang magkasabay na papaalis. Iba na rin daw ang mga kasama ni Kim. Ang lumalabas daw ay parang nagpakabayani si Zanjoe, na siya muna ang maging kapareha ni Bea nu’ng kasagsagan ng party at mainit pa silang pinagtitinginan ng mga tao. May nakiusap daw ba sa ex-boyfriend ni Mariel Rodriguez para protektahan si Bea, at mailayo sa posibleng maging intriga tungkol sa diumano’y hindi pa nila mailantad na relasyon ni Gerald?

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleJames Yap, naospital dahil sa ilong?!
Next articleMarian Rivera, sinisira ang career ni Dingdong Dantes?!

No posts to display