Bawal na ang Delay sa Corona Trial – Enrile

IMUMUNGKAHI UMANO ni Senate President Juan Ponce Enrile sa panig ng depensa ni Chief Justice Renato Corona at House prosecution panel na kung maaari ay tapusin na nang mas maaga ang paglilitis.

Ayon sa tumatayong presiding-judge, kanya umanong kokonsultahin ang mga kasamahan na kung maaari ay simulan nang maaga ang impeachment trial at magtatapos nang hanggang alas-10:00 ng gabi.

Sa pagsisimula nga-yong araw ng impeachment hearing, inihayag ni Enrile na malaki na ang epekto sa kanilang trabaho dahil sa pagdinig.

“Kung maaari, tapusin namin iyang kasong iyan, bago matapos itong buwang ito. Sapagka’t marami na ang napeperhuwisyo na panukalang batas na hindi namin nahahawakan dahil sa kaso na iyan,” ayon sa opisyal.

Matatandaang sa nakaraang pagdinig, ginagawa ng Senado ang paglilitis simula araw ng Lunes hanggang Huwebes, tuwing alas-2 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.

Kasabay nito, sinabi pa rin ni Enrile na dapat umanong maging handa na sa bawat hearing ang panig ng depensa at prosekusyon para hindi na maantala ang kanilang trabaho.

“Hindi ko na papayagang magkaroon ng delays iyan at pag-dribble-dribble,” dagdag pa ni Enrile. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.