Bawal ang tumitig?!

PARTE NA SIGURO NG kulturang Pilipino ang pagturing na pambabastos ang pagtitig ng isang tao sa hindi kakilalang kapwa. Sa mundo ng mga taong-kanto, ito ay pinagmumulan ng gulo. Kapag ikaw ha-limbawa ay tumitig sa isang maton na nakikipag-inuman sa kanto, agad mong maririnig ang sumbat sa kanya na, “Ang sama mong makatingin, ah.” Kasunod noon, kapag ikaw ay minalas-malas, bugbog ang iyong aabutin.

Si SPO2 Enrile Domingo ng Norzagaray, Bulacan PNP ay isang klasikong halimbawa ng maton. Hindi maikaila sa kanyang mga pag-aasta na siya ay laking-kanto at sanay sa basag-ulo.

Noong February 20, 2011, Linggo, bandang alas-singko ng hapon, lulan ng isang motor si Domingo at isa pang pulis na si SPO3 Ramon Lasalita, Sr. Kasama rin sa nakaangkas sa motor ang police aide na si Reymand Quintonario.

Nang mapadaan ang tatlo sa Barangay Tigbe, naispatan nila si Tereso Adena na nagtitinda ng gulaman sa kanyang puwesto. Huminto ang grupo at agad na kinursunada ni Domingo si Adena. Tinanong ng pulis sa gulaman vendor kung sino ang mga nanggugulo sa lugar na iyon.

Dahil naka-sando lamang, naka-shorts at naka-tsinelas si Domingo – bukod pa sa nangangamoy alak ito – hindi inakala ni Adena na ito ay isang pulis kung kaya tinitigan niya ito at saka sinagot ng, “Walang nanggugulo dito.”

Mabilis na sinampal ni Domingo si Adena. Hindi pa nakontento, kinasahan at tinutukan niya ito ng baril. Tumulong din ang dalawa pang kasamahan ni Domingo sa pagmamaltrato kay Adena. Tumakbo si Adena patungo ng kanyang bahay sa ‘di kalayuan ngunit hinabol siya ng tatlo at tangkang bugbugin pa. Mabuti na lang at mas mabilis tumakbo si Adena kaysa tatlo na lango na sa alak.

Nakapanayam ng inyong SHOOTING RANGE si SPO2 Domingo sa WANTED SA RADYO. Noong una, tila may amnesia ang taong ito at mariing itinanggi niya na nakaengkuwentro ng kanyang grupo si Adena. Nasa bahay lang daw siya ng mangyari ang insidenteng binabanggit ko. Ngunit sa aking pagpupumilit, umamin din siya.

Ayon sa kanya, rumesponde raw sila sa tawag na may mga nanggugulo sa Barangay Tigbe. Nasa duty raw sila noon at nakauniporme nang rumesponde sakay ng motor. Tinuruan ko si Domingo na sabihin na rin na silang tatlo ay pawang mga nakasuot ng helmet. Kinagat ni Domingo ang aking pain at sinabi niyang, “Yes sir, naka-helmet kaming lahat.”

Kapansin-pansin na panay ang hingi ng dispensa ni Domingo. Sa bandang huli, napaamin ko rin siyang hindi sila nakauniporme. Sinabi ni Domingo na sila ay mga naka-sando at shorts lamang dahil kagagaling nila sa paglalaro ng basketball.

Sa tulong ng WSR, nakapagsampa ng kasong kriminal si Adena laban kina SPO2 Domingo, SPO3 Lasalita at police aide Quintonario. Sinampahan din ng kasong administratibo ang dalawang nabanggit na pulis. Dinisarmahan din si Quintonario at sinibak na sa pagiging tsimoy nina Domingo at Lasalita.

MAMAYANG GABI, MULING mapapanood ang isang bakbakang episode ng WANTED sa TV5, pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news).

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED at 0908-87-TULFO. Ang WSR ay napapakinggan Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm sa 92.3 FM, Radyo5.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.