Batugan na, Nambubugbog pa ng Kinakasama

KULONG ANG isang tamad na kelot matapos gawing punching bag ang kinakasama makaraang maasar ang una nang sabihan ng huli na maghanap ng trabaho sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Jericho Agustin, 32 ng Natividad St., ng lungsod.

Sa pahayag ng biktimang si Connie Bayani, 27, alas-11:30 ng gabi, nagtitinda siya sa bangketa sa tapat ng Manila Central University Hospital sa Monumento ng lungsod nang puntahan ng suspek.

Nag-usap ang mag-live-in hanggang sa sabihin ng biktima na humanap ng trabaho ang suspek upang makatulong subalit naasar si Agustin at pinagsusuntok na ang kasuyo.

Nagtatakbo ang biktima na hinabol ng bato ng suspek hanggang sa makahingi ng tulong sa mga pulis ang una na naging dahilan upang dakpin si Agustin at dalhin sa presinto.

(MARY H. SAPICO)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.