Batang Hamog

• 0946734xxxx – Mr. Action Man, nais ko pong ipaalam na ang mga tinatawag na batang hamog dito sa lugar ng Guadalupe, Makati ay suportado ng mga pulis. Malalakas ang loob ng mga batang ito dahil alam nila na mayroong sasalo sa kanila kahit na sila ay mahuli. Sir, sana po ay maaksyunan ninyo ang bagay na ito dahil talagang nakakaperhuwisyo ang mga batang ito.

 

• 0907484xxxx – Sir Raffy, nais ko pong ireklamo ang isang konsehal dito sa lugar ng San Pedro, Taguig City. Ang Konsehal pong ito ay nagngangalang Gamie. Kapag po mayroong okasyon sa kanila ay nagpapaputok po siya at ang kanyang mga bisita ng baril. Ang aming pong lugar ay malapit sa simbahan. Ang mga tao po sa amin ay talagang napeperhuwisyo sa kanilang ginagawa. Marami pong kabataan ang mga nagkalat sa kalye kaya nag-aalala kami na baka may ligaw na bala.  Ito po ay alam ng aming kapitan pero wala naman po siyang aksyon na ginagawa. Hihintayin pa po ba naming mayroon pang mapahamak dahil sa kanilang pagiging iresponsable. Sana po ay matulungan ninyo kami sa problemang ito.

 

• 0933346xxxx – Tol Raffy, ako po ay isang concerned citizen. Dito po sa Barangay Longos, Malabon City, palagi na lang pong may tubig. Marami na po ang itlog ng mga lamok na maaaring maging sanhi ng Dengue. Kami po ay nagsusumamo na tulungan ninyo kami . Salamat po.

 

• 0943318xxxx – Mr. Tulfo, isusumbong ko po sa inyo ang mga pulis-Caloocan dito sa lugar ng Monumento Circle. Talamak ang pangongotong sa malalaking truck gabi-gabi. At hindi lang po iyon, imbes na hulihin ang mga kabataang pumapanhik sa mga truck para magnakaw, ang inaatupag ng mga tiwaling pulis na ito ay kung papaano makakapangotong ng pera sa mga motorista.

 

• 0946681xxxx – Mr. Tulfo, nais ko pong humingi ng tulong sa inyo dahil sa aking mabigat na kalagayan. Ang aking pong irereklamo ay si PO2 Joseph S. Chumawar ng PNPSAF (Philippine National Police Special Action Force). Siya po ang ama ng aking anak. Nabuntis niya ako at pinauwi na lang sa probinsiya at nangakong magsusustento buwan-buwan. Tinatawagan ko po siya pero hindi na po niya ako sinasagot. Kahit minsan po ay hindi siya nagsustento sa aming anak. Idol, tulungan po ninyo ako sa aking suliranin. Maraming salamat po.

 

• 0918369xxxx – Mr. Raffy Tulfo, ako po si Arnel Alibuyog, taga-Valenzuela City. Noong ikaanim ng Disyembre ako po ay pumunta sa lungsod ng Malabon City. Ito po ang kauna-unahang punta ko sa lugar na ito. Inaamin ko po na hindi ko talaga kabisado ang pasikut-sikot sa lugar na ito. Sa sobrang kalituhan ay nakapasok po ako sa one-way. Hinuli po ako at tiniketan. At ayon po sa nanghuli sa akin ay dalawang libong piso po ang tubos ng aking lisensiya. Ang aking pong minamaneho ay single na motor. Nais ko pong malaman kung talagang ganu’n kalaki ang dapat na ipataw na multa sa akin? Umaasa po ako na matutulungan ninyo ako. Maraming, maraming salamat po.

 

• 0922732xxxx – Sir Tulfo, nais ko pong isanguni ang aking problema sa inyo. Ako po ay biktima ng isang illegal towing dito sa lugar ng Morong, Rizal. At bakit po sa bawat tow truck ay mayroon pa silang escort na pulis. Kaya po malakas ang loob ng mga ito na mang-abuso ng kapwa dahil mayroong mga de-baril na kasama. Ang towing service po na aking tinutukoy ay ang Jawlynx Towing.

 

Kung kayo ay may mga sumbong na nais ninyong iparating sa inyong lingkod itawag sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) sa 0908-87-TULFO. Ang IMKT ay isang segment ng Balitaang Tapat na mapapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15. 

Shooting Range
Raffy Tulfo

Comments are closed.