Baron Geisler, nagsorry kay William Martinez

Mariing pina-bulaanan ni William Martinez ang kumakalat na balitang hiwalay na sila ng kanyang asawang si Yayo Aguila. Matagal-tagal na rin ang bulung-bulungang ito sa showbiz, na hindi na raw nga magkasama sa iisang bubong sina Yayo at William. Iba-iba ang mga spekulasyon at kuwentong naglalabasan, pero tinanong namin si William tungkol dito at hindi niya nagustuhan ang balita.

Isang on-cam interview sana ang hinihingi namin kay William, kaya pinadalhan namin siya ng text message para magpaalam, pero umayaw ito at nagpadala na lamang ng mensahe sa pamamagitan ng text. Sinabi nitong tigilan na ang mga balitang hiwalayan nila ni Yayo dahil wala naman daw itong katotohanan. Pakiramdam ni William, isang publicity stunt lang daw ito dahil may show na naman si William sa ABS-CBN, ang Florinda kasama si Maricel Soriano. Nagtapos na nga noong Biyernes ang The Wedding kung saan kasama din si William, at ang Florinda ang pumalit sa timeslot nito.

Sa September 16 naman nakatakda ang susunod na hearing nila Baron Geisler at ang anak ni William na si Patricia Martinez para sa kasong sinampa ng huli laban kay Baron. Importante daw ang nakatakdang hearing na ito dahil tapos nang maipresenta ng dalawang panig ang kanilang mga counter affidavits at makakausad na rin ang kaso. Wala rin naman daw balak pang iatras ng pamilya Martinez ang kasong ito.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, naikuwento sa amin ni William na noong birthday celebration daw ni Cory Vidanes, Channel head ng ABS-CBN, ay nagtagpo ang landas nila ni Baron. Nagkita raw sila at nagkaroon ng maiksing pag-uusap. “Nagbatian lang kami, nag-usap nang konti. Nagso-sorry siya, pero ganoon pa rin ang stand namin. Itutuloy pa rin namin ‘yung kaso,” pahayag ni William. Maayos naman daw ang kondisyon ngayon ng anak niyang si Patricia, maliban na lang sa pakikipaghiwalay ng kanyang boyfriend. Dahil sa kontrobersyang kinasangkutan ni Patricia, ay nakipagkalas na ang boyfriend nito kaya laging nakasuporta sila ni Yayo sa emotional needs ng kanilang anak.

Wala naman nang mensahe pang naibigay si William para kay Baron kundi ang patuloy nitong pag-asa na sana’y magbagong buhay na ang batang aktor para hindi naman masayang ang pinupundar nito sa showbiz. Magaling na aktor si Baron at may lalim ang kanyang mga pagganap sa mga roles na binibigay sa kanya. Kaya naman, marami rin talaga ang nanghihinayang na baka mapunta lang sa wala lahat ng kanyang mga pinaghirapan kung malululong lang siya sa inom at iba pang bisyo.

NAKIKIRAMAY KAMI SA pamilya ng cameraman ng Star Cinema na nasawi sa lumubog na Super Ferry noong medaling-araw ng Linggo sa Zamboanga. Nakausap namin ang ilang empleyado ng Star Cinema at talagang nabagabag sila sa balita dahil malapit sa kanila ang cameraman na si “Kulot”, kung tawagin. Isang buong unit pala ang nakasakay sa lumubog na barko kaya pati ang mga mamahaling equipments nila ay nadali din, tulad ng camera, generator set, audio and light equipments at marami pang iba. Ang negatives daw ng mga nakunan nila doon sa GenSan ay para sa upcoming movie na Ang Tanging Pamilya kasama sina Ai Ai delas Alas, Erap Estrada, Toni Gonzaga, Sam Milby at Mommy Dionesia Pacquaio, ay naihatid sa Manila sa pamamagitan ng eroplano. Nagtungo ang mga artista sa GenSan, pati ang mga staff and crew ng Star Cinema para doon kunan ang mga eksena ni Mommy Dionesia.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.