Barangay treasurer; 2 pa, patay sa mga holdaper

PATAY ANG ISANG barangay treasurer at dalawang kasama matapos pagbabarilin ng limang hindi pa kilalang mga holdaper na tumambang sa mga una, kahapon ng tanghali sa Caloocan City.

Dead on the spot si Rodora Gomito, 31, treasurer at residente ng Barangay 176, Bagong Silang ng lungsod.

Hindi naman umabot nang buhay sa Nodado Hospital sina Jaime Mendoza at Donna Megallo, pawang nasa hustong gulang at mga staff ng nasabing barangay.

Sa ulat, dakong alas-11 ng umaga, sakay ang mga biktima sa Isuzu High Lander (SHJ-680) na minamaneho ni Mendoza at pagsapit sa Citation Homes, boundary ng Caloocan City at Bulacan ay sumulpot ang mga suspek sakay ng tatlong motorsiklong hindi na nakuha ang plaka.

Pinaulanan ng mga bala ng mga suspek ang sinasakyan ng mga biktima na naging dahilan upang tamaan ang mga huli at huminto ang sasakyan.

Nang mabuksan ng mga suspek ang sasakyan ay kinuha ang aabot sa P3.1M na nakalagay sa bag bago mabilis na nagsitakas.

Nabatid na bago ang pananambang, nag-withdraw ang mga biktima sa Land Bank sa SamsonRrd., ng lungsod para pampasahod sa mga empleyado.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente.

Samantala magbibigay naman ng P100,000 pabuya si Caloocan City Mayor Recom Echiverri sa sinumang makapagtuturo o makahuhuli sa mga suspek. (MARY H. SAPICO/ ROMAN MAGPOC)

 

 

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.