Barangay Kagawad, Binaril sa Loob ng Barangay Hall

NASA MALUBHANG kalagayan sa pagamutan ang isang barangay kagawad makaraang barilin ito ng isa sa dalawang hindi nakikilalang suspek na pawang nakasuot ng itim na bonnet sa loob ng kanilang barangay hall sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Ang biktima na nakaratay ngayon sa MCU hospital sanhi ng isang tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo ay nakilalang si Kagawad Melvin Cunanan, nasa hustong gulang, at residente ng Biglang Awa St., Brgy. 96 ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ng Caloocan PNP laban sa dalawang suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang pamamaril.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, bandang alas-12:30 ng umaga nang maganap ang nasabing pamamaril sa loob ng kanilang barangay hall sa nasabing lugar.

Nabatid na nakaupo ang biktima sa isang mesa at nagsusulat nang biglang pumasok ang dalawang suspek, kung saan isa sa dalawang salarin ay kaagad na binaril ang biktima na tinamaan sa ulo at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas sakay ng walang numerong motorsiklo.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang Caloocan PNP para matukoy ang dalawang suspek at ang motibo ng nasabing insidente ng pamamaril.     (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.