Barangay Chairman, Patay sa Riding-In-Tandem

TATLONG BALA ng baril ang tumapos sa buhay ng isang barangay chairman nang pagbabarilin ng isa sa riding-in-tandem habang ang biktima ay papasok sa isang kainan kasama ng dalawa nitong kasamahan sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ay nakilalang si Felipe Alday, 60, may-asawa, tubong-Batangas, Brgy. Chairman at residente ng ng Reparo St., Area D, Brgy. 178 ng nasabing lungsod.

Samantala, ang gunman ay nakasuot ng itim na jacket, bullcap, medium built, may taas na 5’4”, at nasa edad na 28-32; habang ang isa pang suspek ay nakasuot naman ng T-shirt, medium built, nasa 25-30.

Base sa ulat ni SPO2 Constatino Guerrero, may hawak ng kaso, dakong alas-7:50 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa harap ng kainang Ate Jek na matatagpuan sa kanto ng Durian at Sampalok St., Brgy. 178, Camarin.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon, bago umano maganap ang insidente, ang biktima kasama si dating barangay kagawad Emeliano Tajon ay papasok sa kainan para mag-almusal.

Ang gun ay papalabas naman ng nasabing kainan matapos kumain ng almusal at sa puntong ito ang nasabing gunman ay pinutukan ang biktima nang tatlong ulit na pawang tumama sa ulo nito.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang dalawang hindi nakikilalang suspek sakay ng isang motorsiklo na walang plate number.

Ang biktima ay agad namang dinala ni Tajon sa nasabing pagamutan subalit habang nilalapatan ng lunas ay nalagutan na rin ng hininga.

Nakarekober ang pulisya sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ng tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 baril.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang Caloocan PNP ng manhunt operation sa posibleng ikadarakip ng dalawang suspek.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.