Bangus, ligtas nang kainin

SA KABILA NG sinabi ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na ligtas kainin ang mga isda sa Navotas Fish Port, lalo na ang Bangus at Tilapia, patuloy pa ring umiiyak ang grupo ng Navotas Fish Trader Association mula sa Market 1 hanggang 5 sa Consignacion, Navotas City, dahil tuluyan nang bumagsak ang kanilang kita nang pumutok ang ‘fish kill’ sa bansa.

Ayon kay Boy Charing, bise-presidente ng naturang asosasyon, dismayado pa rin sila sa patuloy na pag-iwas ng kanilang mga parokyano na bumili ng Bangus, kung saan sa 100 porsiyento ay 1% na lamang ang nabibili rito at halos daang libo na rin ang nalulugi ng mga umaangkat.

Isa rin sa pinakaapektado ay ang St. Joseph na 30-taon ng broker ng Bangus sa Market 1 at 2 sa Navotas Consignacion, na ang pinagkukuhanan ng Bangus ay sa mga lalawigan ng Batangas, Laoag, Dagupan Pangasinan, at Laguna, isa na rito si Alice Soledad, director ng nasabing grupo.

Sinabi pa ng mga ito, na labis lamang nakakasakit ng loob ay tinawag pa na ‘botcha’ ang bangus, sa kabila ng hindi naman ito karne ng baboy, manok, at baka para tawaging double dead ito, na siyang isa sa mga ikinatakot ng mga mamimili.

Ipinaliwanag din ng mga ito, na ang botcha ay maaari lamang itawag sa gaya ng karne ng baboy, samantalang ang isda ay namatay lamang ito dahil sa init at suffocation, bunga ng kakulangan ng oxygen sa ilalim ng tubig o fish cage at hindi dahil sa namatay sa sakit o nalason ng anumang kemikal.

Gaya naman lamang sa lalawigan ng Batangas, kaya dumami ang naglutangan na Bangus ay sa dahilang may ilang linggo na ring nag-aalburuto ang Bulkang Taal at init nito na sa halip sumingaw sa bunganga ng bulkan ay sa ilalim ito sumingaw na naging dahilan ng pagkamatay ng mga Bangus sa fish cage, dagdag pa rito ang pabigla-biglang pagbabago ng panahon.

“At kapag may mga ganitong kaso, may mga Bangus o Tilapia na namamatay hanggang sa naglulutangan ay awtomatiko naman agad itong tinatanggal o inaahon at inililibing para hindi na makahawa pa sa iba, nagkataon lamang na talagang marami ang nagkandamatay,” ani pa ng grupo.

Kaugnay nito, tahasan na ring sinabi ni Department of Agriculture (DA) Sec. Proceso Alcala, na ligtas kainin ang Bangus at wala na ang kinatatakutang fish kill. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.