Bangkay ng Nene, Lumutang sa Ilog Pasig

ISANG PALUTANG-LUTANG na bangkay ng isang batang babae ang natagpuan sa gilid ng Ilog Pasig sa bahagi ng Barangay Barangka sa Mandaluyong.

Ayon sa salaysay ng isang Cedriz Ampaya, nakikipagkwentuhan siya sa kanyang kaibigan nang mapansin nila ang bangkay na pinagbabato ng mga batang unang nakadiskubre rito.

Agad namang nirespondehan ng mga awtoridad ang bangkay.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO2 Didilito Custodio, imbestigador sa kaso, hinihinalang nasa isa hanggang tatlong oras pa lamang na nababad sa ilog ang bata dahil sa sariwa pa ang dugo nito.

Tinatayang nasa edad isa hanggang tatlong taong gulang ang bata. Nakasuot ito ng pula at puting striped T-shirt pero walang pang-ibaba.

Ipinalalagay na galing sa Maynila o Makati ang bata kung pagbabasehan ang direksyon ng tubig.

Samantala, inaalam pa ng mga kinauukulan ang pagkakakilanlan ng bata kaya naman humihingi sila ng tulong sa publiko.

Sa ngayon, maaaring makipag-ugnayan sa Mandaluyong Police at tumawag sa 571-6004.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.