Bangkay ng Mag-utol, Magkayakap Nang Marekober sa Landslide

MAGKAYAKAP PA ang bangkay ng magkapatid nang matagpuan sa patuloy na retrieval operation na ginagawa sa munisipyo ng Kabasalan sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.

Ang nasabing bangkay ng magkapatid na sina Sherlyn Mae Maghanoy Lugatian, 7, at ang tatlong taong gulang na si Eziquel Meziah Maghanoy Lugatian ay nakuha kamakailan.

Ang dalawa ay kabilang sa apat na mga batang nalibing nang buhay sa nangyaring landslide sa may Purok 4, Barangay Sayao noong Martes ng hapon.

Una nang nakuha ang bangkay ng 12-anyos na dalagita na si Fatima Maghanoy Orong habang ang siyam na taong gulang niyang kapatid na si Eugene Maghanoy Orong ay inaasahang marerekober ng retrieval team sa patuloy na ginagawang mano-manong paghuhukay sa gumuhong lupa.

Nabatid na nakapatong sa mga nakuhang bangkay ng mga bata ang mga sanga at puno ng kawayan, niyog at mga naglalakihang bato.

Mag-iisang linggo na makaraang mangyari ang malagim na trahedya na pumatay sa apat na mga inosenteng bata.

Nakikisilong lamang ang mga ito sa isang inabandonang bahay habang hinihintay na huminto ang malakas na buhos ng ulan nang mangyari ang landslide.

Sinasabing nasa 150 metro ang kapal ng gumuhong lupa pero sa ginagawang pagtutulong-tulong ng mga kinauukulan at mga residente, nahukay ang lugar kung saan nabaon ang mga biktima.

Pinangungunahan ang retrieval team ng lokal na pamahalaan ng munisipyo ng Kabasalan sa ilalim ni Mayor George Cainglet, ang 44th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA) sa pamununo ni Sgt. Hernando Hojilla Jr., mga kinauukulan, mga residente at mga kaanak ng mga biktima.

Samantala, nagbigay na rin ng tulong si Mayor Cainglet para sa libing ng mga biktima.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.