Bangkay ng DILG Officer, Narekober sa Compartment ng Kotse ng Kapwa Officer

PATAY NA at nangangamoy na nang matagpuan ng mga kinauukulan ang katawan ng nawawalang DILG officer ng bayan ng Bombo, Camarines Sur pasado alas-8:30 kamakalawa ng gabi sa likod ng isang hotel sa Naga City.

Ayon kay Naga City PNP deputy director P/Supt. Nilo Berden, Jr., mismong ang salarin na si Naga City DILG officer Eric Medina ang nagturo sa kanila sa kinalalagyan ng biktimang si Ayres Napire.

Nakuha si Napire sa compartment ng kotseng pag-aari ng suspek at nakasilid sa sako.

Una rito, may nakapagsabi umano sa PNP na si Medina ang huling nakasama ng biktima kung kaya inimbitahan ito sa himpilan upang siyasatin.

Subalit habang isinasailaim sa interogasyon ay napaiyak umano ang suspek at isa-isang idinetalye ang ginawa niyang pagpatay sa biktima sa pamamagitan ng pagsakal dito gamit ang isang lubid.

Samantala, Marso 8, araw kung kailan nawala si Napire ay sinundo umano ito ng salarin upang isama sana sa excursion ng lahat ng DILG officers sa lalawigan subalit mula noo’y hindi na nakita pa ang biktima.

Pera naman ang tinitingnang anggulo sa pagpaslang kay Napire dahil may nawawala u-

manong malaking halaga sa bank account ng biktima na pinaniniwalaang na-withdraw matapos na paslangin.

Paniwala naman ng bayaw nito na si Roger Alpiche, posibleng ang sobrang pagkalulong ng suspek sa sugal at bisyo ang nagtulak dito upang gawin ang naturang krimen.

Si Napire, ang salarin at ang maybahay nitong si Shiela na DILG officer din ay mga malalapit na magkakaibigan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.