Balak tuluyan ang nabundol Jeepney Driver, Bugbog-Sarado sa Taong Bayan

BUGBOG-SARADO ANG inabot ng isang drayber ng pamapasaherong dyip nang pagtulungan itong bugbugin ng taong bayan nang masagasaan nito ang isang tumatawid na lalaki at pagkatapos ay inatrasan pa sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Kasalukuyang nakaratay sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) sanhi ng tinamong pinsala sa katawan ang suspek na nakilalang si Rolando Verde, 36, naninirahan sa # 137 ng Padlom St., Brgy. 1 ng nabanggit na lungsod.

Samantala, nasa kritikal namang kalagayan sa nasabing ring pagamutan ang nasagasaang biktima na si Arturo Dalayap, 37, ng Sanggandaan, Caloocan City.

Base sa ulat ng Caloocan City Traffic Division, dakong alas 6 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan Bisig ng Kabataan St., Brgy. 1

Nabatid na kasalukuyang tumatawid ang biktima sa nasabing lugar nang masagasaan ito ng minamanehong pampasaherong dyip ng suspek.

Ayon sa mga nakasaksi ng insidente, matapos na masagasaan ang biktima ay inatrasan pa ito ng suspek kung kaya’t nagalit ang mga residente at pinagtulungan itong bugbugin na nagmistulang gulay ang katawan ni Verde.

Ang drayber at ang nasagasaan nito ay parehong dinala sa nasabing pagamutan kung saan kapwa inoobeserbahan ang mga ito.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.