Bahay ni PNoy, Sinugod ng mga Militante

SINUGOD NG mga nasa 200 raliyista mula Timog Katagalugan ang bahay ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa Times Street sa Quezon City at nagsagawa ng programa.

Naging maaksyon ang nasabing protesta sa pagdating ng mga militanteng sakay ng trak dahil nagawa nitong mapaatras ang hanay ng mga pulis mula Station 2 matapos ang girian.

Iginiit ng mga demonstrador na wala silang ibang balak kundi magsagawa ng programa sa harap ng bahay ng mga Aquino bilang pag-obserba sa International Human Rights Day ngayong araw.

Nais anila nilang ilabas ang hinaing sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Bitbit ng mga raliyista ang effigy ni Pangulong Aquino na tinawag na “Wrecking King” na mistulang tuta ni Uncle Sam o ng Amerika. May isa pang malaking effigy ang pangulo na “PNoy the Destroyer” na may mga kanyon.

Binantayan naman ng mga awtoridad ang mga militante habang nagsasagawa ng programa.

Nagtungo pa ng Blumentritt, papasok ng Mendiola sa Maynila ang naturang grupo para ituloy ang kanilang kilos-protesta.

Sinabi ni Cristina Palabay, secretary general ng KARAPATAN na nakapagtala ang kanilang grupo ng 152 extrajudicial killings, 168 frustrated killings, 18 forced disappearances at 358 illegal arrest at detentions sa ilalim ng adminstrationg Aquino.

Isinisi rin ng grupo ang Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinasabing nangunguna sa paglabag sa karapatang pantao.

Dahil sa nabanggit na protesta, naging mabigat ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Quiapo at España.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.