Bahay ng Biyenan, Sinunog ng Manugang

NAMATAY ANG isang lalaki makaraang ma-suffocate sa loob ng kanyang nasusunog na bahay na sinasabing sinadya ng isa nilang kapit-bahay sa Navotas City kamakalawa ng madaling-araw.

Ang namatay na biktima ay nakilalang si Alberto Garcia, 55, may-asawa, ng # 183 J. Alonzo St., Barangay Daang-Hari ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay SFO4 Joselito Baugon, ng Navotas Bureau of Fire and Protection (BFP), bandang alas-3:30 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang nagngangalang Gabriel Cruz, isa sa mga kapit-bahay ng biktimang si Garcia.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni SFO4 Baugon, isang nakaparadang motorsiklo sa ilalim ng bahay ni Cruz ang pinag-umpisahan ng apoy hanggang sa madamay ang apat na katabing kabahayan.

Ayon sa asawa ng biktima na si Florencia Garcia, habang nasusunog ang kanilang bahay ay binalikan ng kanyang asawa ang naiwang pera na puhunan nila sa negosyong 5/6 subalit hindi na nakalabas.

Matapos na maapula ang apoy ay natagpuan ang bangkay ni Garcia sa loob ng kanilang comfort room na sunog ang likurang bahagi ng katawan.

Napag-alaman pa sa imbestigasyon, isang alyas “Damping” na sinasabing manugang ni Cruz ang may kagagawan umano ng sunog nang sadyain nitong sunugin ang plastic cover ng motorsiklo dahil matagal na umanong may galit ang suspek sa kanyang biyenan.

Tinataya namang aabot sa isang milyong pisong halaga ng mga ari-arian ang nilamon ng apoy na umabot lamang ng first alarm.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.