Bahay ng Biyenan, Sinunog ng Kano

TINATAYANG AABOT sa mahigit P100,000 halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy, makaraang sunugin umano ng senglot na American citizen sa Brgy. Maasim Galas, San Rafael, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Rodolfo Boy Fernandez kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Fernando Mendez, Jr., kinilala ang biktimang may-ari ng bahay na si Alberto Moya Y Arceo, 55 anyos, magsasaka, at residente sa nabanggit na barangay, samantalang ang suspek naman ay nakilalang si Scott Eugene Harper, 42 anyos, isang American citizen na umano’y manugang ng biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-2 ng hapon, mag-isang umiinom sa loob ng bahay ang suspek kung saan nakaubos na ito ng dalawang bote ng alak na brandy.

Nabatid na wala sa bahay ang biktima at ang live-in partner ng Kano na si Michelle Moya nang maisipan ng lasing na dayuhan na sindihan ang tinitirhan nitong bahay sa hindi malamang  kadahilanan.

Ayon sa ilang mga saksi sa lugar, bigla na lamang lumagablab ang bahay ni Mang Berto, na tumagal ng halos dalawang oras bago naapula. Dakong alas- 5:48 ng hapon nang ideklarang fire out ng mga bumbero ang sunog.

Samantala nahaharap naman sa kasong Arson ang dayuhang Amerikano, na kasalukuyang nakakulong sa San Rafael Municipal Jail. Kaugnay nito, inabisuhan na ng mga awtoridad ang US Embassy sa nangyaring panununog.

(TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.