Bahay ng ABS-CBN Exec’s Assistant, Nilooban

PINASOK NG mga nagpanggap na pulis ang bahay ng executive assistant ni ABS-CBN Chairman Eugenio ‘Gabby’ Lopez III sa Fuentebella Street, Quezon City.

Base sa salaysay ng biktimang si Jeff Macadaeg, biyenan ng ABS-CBN employee, mag-aalas-12:00 ng tanghali habang naglilinis ng sasakyan ang isa nilang kasama sa bahay nang biglang tutukan ito ng baril ng nakapasok na tatlong armadong salarin sa bukas umanong gate at hinatak aniya ito papasok ng bahay.

Dito na naghalughog sa kuwarto ang mga ito at nakita ang kaha de yero saka ito binuksan at tinangay ang mga alahas, pera at iba pa.

Sinabi ni Macadaeg na sugatan ang kanyang maybahay matapos paluin ng baril at suntukin ng mga suspek.

Makikilala aniya nila ang mukha ng mga nanloob dahil wala namang mga takip ang mga ito.

Sinabi pa ni Macadaeg, armado ang mga salarin ng isang kalibre .38 na stainless, isa pang .38 na itim at isang kalibre .45 na baril.

Wala umanong getaway vehicle ang mga suspek at naglakad lamang papalayo sa bahay.

Ngunit may sasakyan umanong naghihintay sa kabilang kanto ng pinasok ng bahay na mahigit 50 metro ang layo. Napaulat pang muntik pa itong mabangga.

Dumating din sa lugar ng insidente ang mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10.

Ayon sa hepe ng istasyon na si Superintendent Marcelino Pedroso, maraming lusutan sa lugar dahilan upang mabilis at walang aberyang nakalusot ang mga salarin.

Samantala, nangyari ang nasabing insidente sa kabila ng ipinatutupad ng election gun ban.

Mayroong naka-install na closed circuit television (CCTV) camera malapit sa lugar at titingnan na rin kung nahagip ang insidente.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang ginagawang im-bestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.