Bagong Terror Group, Utak sa Pambobomba

ISANG BAGONG grupo na Khi-lafa Islamiah Mindao (KIM), ang lokal na teroristang kaalyado ng Al Qaeda ang itinuturong nasa likod ng madugong pagpapasabog sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 26 na pumatay sa 8 katao habang 46 pa ang nasugatan.

Sinabi ni PNP–CIDG Director P/Chief Supt. Francisco Uyami Jr. na ang nasakoteng bomber na si Usman Hapdis, alyas ‘Mam Man’ ay natukoy sa pagsisiyasat na kasapi ng Khilafa Islamiah Mindao.

Una nang sinampahan ng kasong 8 counts ng multiple murder at 48 namang counts ng multiple frustrated murder ng PNP sa Cagayan de Oro City si Hapdis at anim pa nitong kasamahan na natukoy na nasa likod ng malagim na pambobomba sa Kyla’s Bistro Bar sa Limkethai Center sa Rosary Arcade ng lungsod.

Ang Al Qaeda terrorist group na naitatag ni Osama bin Laden ay itinuturing na public enemy number 1 ng Estados Unidos dahilan sa malagim na Setyembre 11, 2001 terror attact sa World Trade Center at Pentagon District doon na kumitil at sumugat ng mahigit 3,000 katao.

Ang Jemaah Islamiyah (JI), ang Southeast Asian terror network ng Al Qaeda ay ilan rin sa mga kasapi ang na-monitor na nagsisipagtago at nagsasagawa ng pagsasanay sa mga kaalyado ng mga itong bandidong Muslim sa Mindanao.

Base sa ulat ni Sr. Supt. Eliseo Rasco, Chief ng Regional Intelligence Detection Unit  10, si Hapdis ay may kasama-hang 40 terorista kung saan 8 rito ay pawang mga hardcore at 15 naman ang patuloy na sumasailalim sa Arabic language course simula pa noong Hulyo.

Lumalabas rin sa report na nasa 23 sa KIM ang nasa likod ng malagim na pagpapasabog sa lungsod kung saan kabilang sa namatay ay si Misamis Oriental Board member Ronald Lagbas at dalawang doktor habang karamihan din sa mga sugatan ay mga medical representatives na dumalo sa katatapos na pagpupulong.

Sa ngayon, patuloy ang pagtugis ng mga kinauukulan sa iba pang mga nasa likod ng pagpapasabog.

Samantala, sa panig naman ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na patuloy ang masusing pagsisiyasat sa kaso ng mga pagpapasabog at intelligence monitoring laban sa mga bomber.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.