Bagong Santo Papa, 101% Church Doctrine Defender

KUMPIYANSA SI Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na walang magiging pagbabago sa mga doktrina ng Simbahang Katolika sa oras na mapalitan si Pope Benedict XVI.

Marami kasi ang nagsasabing baka mangibabaw na ang liberal na pananaw sa oras na bagong Santo Papa ang mahalal sa conclave na magsisimula sa unang bahagi ng Marso.

Ayon kay Archbishop Cruz, ‘101 percent’ siyang ipagpapatuloy ng mapipi-ling Santo Papa ang mga nasimulan ni Pope Benedict at ipaglalaban din ang mga doktrina ng Simbahang isinasabuhay na ng mahigit 2,000 taon.

Sinabi ni Cruz na wala ring katotohanan ang mga naglalabasang mga hula o mga vision na pagkatapos ng termino ng papalit kay Pope Benedict ay babagsak na ang papacy.

Kasabay nito, sinabi rin ni Cruz na bagama’t bata pa kung maituring, walang kuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Antonio Luis Cardinal Tagle na isa ring papabile.

Inihayag din ng arsobispo na matalino at may angking dunong si Tagle na kailangan para magsilbing pastol ng buong Simbahan.

Samantala, aminado si Cruz na bilang mga tao, hindi maiiwasan ang pulitika rin sa conclave o pagpili ng bagong Santo Papa, pero tiyak namang mangingibabaw pa rin ang kagustuhan ng Espiritu Santo.

Ang pagiging Santo Papa raw ay biyaya at kaloob ng Panginoong Hesus.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.