Bagong Police Station, Pinasinayaan ni Recom

UPANG HIGIT pang paigtingin ang kampanya laban sa krimen ay nagpatayo ng bagong police station si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri kasabay ng pagbibigay ng mga bagong gamit sa lokal na pulisya.

Noong Lunes (July 9) ng umaga ay binuksan na ang Barugo Police Station na matatagpuan sa Sitio Mata-rik, Barangay 175, Caloocan City kung saan ay mismong si Echiverri ang nagpasinaya.

Bukod sa bagong police station ay nagbigay rin si Echiverri ng mga bagong kagamitan at sasakyan sa lokal na pulisya kabilang na rito ang 15 motorsiklo, siyam na mobile cars, 20 baterya ng sasakyan at 38 reserbang gulong.

Kasama ni Echiverri sa pagpapasinaya sa bagong police station si Liga ng mga Barangvay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri, Northern Police District (NPD) director, Chief Supt. Antonio Decano, Caloocan City Chief of Police, Sr. Supt. Jude Wilson Santos, mga opisyal at tauhan ng lokal na pulisya.

Ayon kay Mayor Recom, sa pamamagitan ng bagong police station ay mas mabibigyan na ng pansin ang bahaging ito ng lungsod dahil mas malapit na ang paghihingian ng tulong ng mga residente

Sinabi pa ng alkalde na tuluy-tuloy ang gagawing pagtulong ng lokal na pamahalaan sa kapulisan dahil naniniwala si Mayor Recom na ang kaunlaran ng isang lugar ay nasasalamin sa kaayusan at katahimikan ng buong lungsod.

“Naniniwala tayo na ang pagkakaroon ng maunlad na pamayanan ay nagsisimula kapag tahimik ang buong paligid, maayos ang mga kalsada at malinis ang buong lugar dahil sa pamamagitan nito ay madaling mahikayat ang mga negosyante na maglagay ng kanilang mga negosyo”, sabi pa ni Mayor Echiverri.

Madaragdagan din ang mga pulis na iikot sa naturang lugar dahilan upang matakot ang mga salot ng lipunan na gumawa ng krimen bukod pa sa mga barangay tanod na tumutulong sa pagpapanatili ng katahimikan.

Kasabay rin sa ginanap na inagurasyon ng bagong police station ang pagwasak sa 50 piraso ng video karera machine na nahuli ng lokal na pulisya sa patuloy na kampanya ng mga ito sa paglaban sa lahat ng iligal na sugal sa buong lungsod.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.