Bagong Laya, Pinabulagta

PATAY ANG isang bagong laya sa kulungan matapos na paulanan ng bala ng limang armadong salarin kamakailan may Brgy. Central, Quezon City.

Nakilala ang nasabing biktima na si Joker Tagumpay, 34, residente ng Parang, Maguindanao na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.

Natukoy ang pagkakakilanlan sa biktima sa nakuhang identification card at sa dala nitong certificate of discharge na may petsang June 25, 2013 mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa na nagpapakita na ito ay kalalaya lamang dahil sa kasong illegal possession of firearm.

Nangyari ang pamamaril sa may Cadena de Amor St., Brgy. Central, ganap na alas-7 ng umaga

Ayon sa saksi na si Felicito Lustero, habang siya ay abala sa pag-aayos ng kanyang tindahan ay bigla na lamang siya nakarinig ng sunud-sunod na pagputok ng baril.

Agad siyang lumabas at tinignan ang pinagmulan ng putok kung saan tumambad sa kanya ang duguan at wala nang buhay na biktima.

Samantala, bago manganap ang insidente, sinabi ni Lustero na may nakita siyang limang kahina-hinalang tao na may bitbit na mga baril na parang may minamanmanan sa paligid.

Sa ngayon, blangko pa rin ang mga kinauukulan sa motibo sa isinagawang pagpatay sa biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.