Bagong Juvenile Justice Act, pinirmahan na

PINIRMAHAN NA ni Pa-ngulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang Republic Act No. 10630 na magpapalakas sa juvenile justice system ng bansa.

Ipinapakilala ng naturang bagong batas ang ilang pagbabago sa Juvenile Justice Act of 2006, kabilang na ang pagtatag ng “Bahay Pag-asa” sa bawat probinsiya at highly-urbanized city para matugunan ang juvenile offenders.

Inilalaan ng RA 10630 ang P400 milyon para sa konstruksiyon ng “Bahay Pag-asa” rehabilitation centers sa mga lalawigan at lungsod na may mataas na antas ng children in conflict with the law.

Ang pamahalaang lokal ay kailangang mag-ambag ng P5 milyon sa kanilang respective rehabilitation center.

Ang bawat “Bahay Pag-asa” ay magkakaroon ng espesyal na pasilidad na tatawaging Intensive Juvenile Intervention and Support Center (IJISC) na gagabay sa mga batang nasa edad 12 hanggang 15 na nakagawa ng anumang krimen.

Isang multi-disciplinary team na binubuo ng social worker, psychologist, doctor at guidance counsel at isang barangay council member ang magpapa-takbo sa pasilidad at magtatrabaho sa individualized intervention plan kasama ang bata at ang kanyang pamilya.

Pinanatili ng nasabing batas ang edad ng criminal responsibility sa 15 ngunit nagtakda ng minimum age ng mga batang ilalagay sa youth care facility sa 12.

Ang mga batang nasa edad 12 hanggang 15 na nagkasala ng parricide, murder, infanticide, kidnapping at serious illegal detention, robbery, arson, carnapping, at iba pa, ay itinuturing na “neglected child” sa ilalim ng Presidential Decree No. 603 ay obligadong ilagay sa IJISC.

Ang local social welfare officer sa crime scene ay kailangang maghain ng petisyon sa korte para sa involuntary commitment sa ilalim ng IJISC. Tutukuyin ng korte ang initial period of placement ng kabataan sa IJISC na hindi bababa sa isang taon.

Kapag inulit ng bata ang ginawang krimen, sasailalim siya sa intensive intervention program na pamamahalaan ng local social welfare and development officer.

Kung ang nasabing bata ay walang magulang o guardians, ang proper petition for involuntary commitment ay ihahain ng Department of Social Welfare and Development.

Samantala, p’wedeng hilingin ng korte sa mga magulang ng batang nagkasala na sumailalim sa counseling para sa kapakanan nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.