Bagong Ben Tumbling

NOONG DEKADA sitenta, may isang nasa line-up ng mga Most Wanted Criminal ng Manila Police ang isang tubong Malabon na nagngangalang Benjamin Garcia na ang palayaw ay Ben Tumbling. Binansagan siya nito dahil bago siya nagtungo sa landas ng kriminalidad, isa siyang stuntman sa pelikula, dalubhasa sa karate at mahusay sa mga gawaing acrobatic tulad ng paglukso, pagsirko at paggulong sa iba’t ibang sitwasyon. Magaling mag-tumbling.

Si Garcia’y napabalitang sangkot sa maraming kaso ng pagnanakaw, carjacking, pagbenta ng mga iligal na droga at pagpatay ng ilang mga alagad ng batas. Siya’y napaslang sa edad na beinte-uno noong 1981 sa isang entrapment operation na isinagawa ng mga operatba ng Manila Police.

Ngayon, tila may isa na namang kung tawagin ay Ben Tumbling. Subalit ‘di tulad ng orig, ang ngayo’y tinutukoy ng mga Kabisayaan sa Region VIII na bagong Ben Tumbling ay isang pulitiko. Ayon sa mga tagaroon, mas matinik daw magsirko ang taong ito. Mantakin ninyo, noong 2004, siya’y nasa kampo ni Fernando Poe, Jr. na ang kalaban sa pagka-pangulo ay si Gloria Macapagal Arroyo. Subalit pagdating ng 2007, ang bagong Ben Tumbling ay sumirko na at nag-landing sa palasyong pinamumunuan na ni GMA!

At noong 2010, matapos manalo si Noynoy Aquino bilang pangulo ng bansa, guess ninyo kung kaninong panig na naroon si bagong Ben Tumbling? Aba’y siyempre, kay P-Noy at siya ngayo’y kandidatong muli bilang congressman sa ilalim ng bandera ng Liberal Party ng pamahalaang Aquino!

‘Eto ngayon ang nakapagtataka, gayong siya’y kasapi at opisyal na kandidato ng partido Liberal sa darating na halalan, nakita siya kamakailan na iniikot sa probinsiya ang isang kandidato sa pagka-senador na taga-United Nationalist Alliance (UNA) na kalaban ng LP! Ano ba yan? Ito kaya’y alam ni P-Noy at ng mga pinuno ng Liberal?

Hanep ang bagong Ben Tumbling – grabe bumalimbing!

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.