Bagong batch sa Pork scam, kakasuhan ng NBI

MAGHAHARAP ANG National Bureau of Investigation (NBI) ng dalawang bagong batch ng criminal complaints na nagsasaad ng mga bagong pangalan ng mga mambabatas at personalidad na dawit sa multi-bilyong kaso ni Janet Lim-Napoles hinggil sa umano’y ilegal na paglilipat ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas sa mga pekeng non-governmental organization (NGO) ng negosyante.

Gayunman, tumanggi si Justice Secretary Leila de Lima na pangalanan ang mga kabilang sa mga bagong reklamo na isasampa ng NBI sa Department of Justice (DoJ).

“It’s a new batch. So ang common lang naman diyan ay si Mrs. Napoles, and mga implementing agencies. ‘Yun, more or less, ang common. Pero ‘yung lawmakers, every batch there ought to be new names,” pahayag ng kalihim.

Ayon kay De Lima, sa unang bahagi ng nakaraang linggo ay nagpulong ang mga opisyal ng NBI at ng DoJ, sa pamamagitan ni Undersecretary Jose Justiniano para talakayin ang susunod na grupo ng mga kakasuhan.

“Nag-inventory na kami kung ano na ‘yung mga puwedeng isunod. May two sets na tinitingnan pa namin kung alin ang puwedeng unahin,” ani De Lima. “I will just make the proper announcement in due time.”

Noong nakaraang linggo, kinasuhan si Napoles ng Office of the Ombudsman, gayundin sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr., ng plunder sa Sandiganbayan.

Samantala, hindi pa nareresolba ng Ombudsman ang dalawang iba pang batch ng reklamong may kaugnayan sa pondo ng pamahalaan na isinampa noong nakaraang taon ng DoJ at NBI.

Ang isang grupoay may kinalaman pa rin sa pork scam habang ang isa pa ay tungkol sa sinasabing paglilipat ng Malampaya gas funds sa umano’y mga pekeng NGO ng negosyanteng si Napoles.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.