Bago Tinangayan ng Gamit:Binata, Sinabuyan ng Asido sa Mukha

MAY BAGONG modus na naman umano ang mga holdaper, ito ay ang paggamit ng asido sa kanilang biktima.

Ito ang nabatid ng mga kinauukulan makaraang isang binata ang sinabuyan sa mukha ng asido ng mga holdaper sabay kuha sa dalang bag ng una, kamakailan sa Pasay City.

Hindi pa makunan ng pahayag dahil sa hindi pa makapagsalita habang nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng matinding paso sa mukha ang biktimang na-kilalang si August Bautista, 29, salesman ng Toyota-Manila Bay, at naninirahan sa Bicutan, Taguig City.

Ayon naman sa kaibigan ng biktima na si Ritchie Delotina, 33, bank employee, kasama siya ng biktima nang maganap ang krimen dakong alas-2:40 ng hapon sa may Bay Garden Compound sa Metrobank Avenue, EDSA Extension, ng nasabing lungsod.

Sinundo umano niya ang kaibigan at magkasabay nang uuwi nang sandali siyang huminto sa gilid ng EDSA upang magkarga ng tubig sa radiator ng kanyang kotse. Habang nasa labas sila ng sasakyan, isang lalaki na nasa edad 30-anyos, matangkad at nakasuot ng sando at short pants ang lumapit kay Bautista at biglang sinabuyan ito ng asido sa mukha.

Dahil sa matinding hapdi, nabitawan ni Bautista ang hawak na shoulder bag na may laman umanong P60,000 cash, cellular phone, at iba pang personal na gamit saka nagtatakbo papasok sa comfort room ng Toyota showroom upang buhusan ng tubig ang napasong mukha. Dito na dinampot at tumakas ang sa-larin patungo sa direksyon ng Roxas Boulevard.

Samantala, bukod sa pagnanakaw, tinitignan din ang anggulong planado ang insidente at paghihiganti ang motibo makaraang mabatid na tinangka ring sabuyan ng asido sa mukha si Bautista may apat na buwan na ang nakakalipas sa isang gas station sa may Macapagal Avenue sa Parañaque City.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.