Bagitong parak, kalaboso sa nakaw na motorsiklo

KULUNGAN ANG KINAHANTUNGAN ng isang bagitong pulis at kasabwat nitong lalaki matapos dakmain sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng Anti-Carnapping Unit (AnCar) hinggil sa pagbebenta ng dalawa ng mga nakaw na motorsiklo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Sr. Supt. Jude Wilson Santos, Hepe ng Caloocan-PNP, ang mga suspek na sina PO1 Eduardo Lomboy, Jr., 29, nakatalaga sa District Public Safety Battalion ng Southern Police District ng 7th St., Zone 1-C; at Jerome Aniscal, 25, ng Opao St., Upper Bicutan kapwa ng Taguig City.

Sinabi ni Santos, nakatanggap umano ng impormasyon ang AnCar-Caloocan hinggil sa ginagawang pagbebenta ng mga suspek ng nakaw na mga motorsiklo sa lungsod kaya agad nitong iniutos na ikasa ang operasyon makalipas ang ilang araw na surveillance.

Dakong alas-11:30 ng gabi, nagkasundo na magkaroon ng transaksyon ang mga suspek at mga operatiba ng AnCar na nagpanggap na buyer sa tapat ng SOGO Hotel na matatagpuan sa EDSA, Monumento ng nasabing lungsod.

Pagkaabot ng P16,000 mark money sa mga suspek bilang bayad sa motorsiklo ay siya namang hudyat upang dakmain ang mga una ng mga awtoridad, kung saan hindi na nagawang makaporma ni PO1 Lomboy at Aniscal.

Narekober mula sa dalawa ang dalawang Yamaha motorcycle na parehong walang plate number na napag-alamang nakaw maliban pa sa kalibre .9mm na baril na pag-aari ni PO1 Lomboy kaya agad binitbit ang mga ito sa presinto upang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Law).

Kaugnay nito, patuloy pa rin sa isinasagawang follow-up operation ang mga awtoridad upang masakote ang iba pang kasabwat ng mga naarestong suspek na hinihinalaang siyang nasa likod ng mga nakawan ng motorsiklo sa lungsod maging sa Taguig City. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.