Bagets Childhood Foods

KUNG ANG mga mommy at daddy natin na product of 60’s ay tinatawag na Baby Boomer at Generation 80’s naman sila ate at kuya, ang mga kabataan naman sa henerasyon ngayon ay tinatawag na Batang 90’s. Kay rami nating mga ganap sa buhay na talaga namang tatak 90’s. Nariyan ang pagnood muna ng Sineskwela, Mathinik at Hiraya Manawari bago pumasok.

Ang pagsubaybay sa paboritong palabas na Voltes 5, Dragon Ball Z, Street Fighter, Slamdunk at Hunter x Hunter; ang pagkagigil sa mga cartoons na sina Doraemon, Mirmo at Mojacko; ang pagtangkilik sa loveteam nina Jolina at Marvin; ang pagka-LSS sa mga kanta ng Eraserheads at Parokya ni Edgar. Iilan pa lamang ‘yan sa mga tatak 90’s. Panigurado na kapag ako ay nag-survey sa inyo, tiyak hindi kayo magkandaugaga sa pagbibigay pa ng karagdagan pa rito.

Tayo naman ay magbigay-diin sa mga pagkaing 90’s kids lang ang nakaaalam. ‘Yung tipong kapag hindi ka nakakain nito, aba! Walang tatak Batang 90’s sa iyo. Anu-ano nga ba ang mga iyon? May mga naisip na ba kayo?

 

• Naalala n’yo pa ba ang Mik-Mik? Ito ‘yung nakalagay sa sachet na kinakain habang ginagamitan ng straw. Ito ay isang sweetened choco powder na nabibili ng piso-piso sa mga sari-sari store sa kapit-bahay.

 

• Naalala n’yo ba ang mga panahon kung kailan kapag kayo ay nagsisipilyo, may mga kulay na tulad ng yellow, blue, red ang humahawa sa toothbrush n’yo? Naku po! Iyon ay dahil sa paborito ng lahat ang Pintora bubblegum. Ito ay isang uri ng gum na masyadong pinanindigan ang kanyang pangalang “Pintora” dahil kapag kinain mo nga naman ito, instant kulay agad ang iyong bibig.

 

• Kung ngayon ay Sky Flakes at Magic Flakes ang mga pambansang biscuits ng mga tao, noon, mayroong Marie ang mga Batang 90’s. Ito ay uri ng biscuits na sulit na sulit sa linamnamn, sa sarap at sa lambot.

• Mayroon din tayong Yakee. Ito ay isang bubblegum din na kahugis at kasinglaki ng Pintora pero ito naman ay ubod ng asim. Naalala ko pa noon na nagpapatibayan kami ng mga kaibigan kong kumain ng Yakee.

 

• Kung paasiman lang din naman ang pag-uusapan, hindi pahuhuli riyan ang Yak Baby. Ito ay mga candies na nakalagay sa kulay blue na malaking sachet. Marami ang laman nito kaya inaasahan na mapapa-mukhasim ka habang inuubos ang mga ito.

 

• Naalala n’yo rin ba ang mga chichirya ng Batang 90’s? Ito ‘yung mga manamis-namis na Sweet Corn at Clover bits! Mamiso lang ang mga ito kaya napakaraming ganito ang mga nakakain n’yo sa isang upuan dahil bukod sa sulit at mura na, masarap pa.

 

• Paano n’yo ba naman makakalimutan ang pambansang candy ng mga bagets, ito ‘yung ostya candy. Ito ‘yung sa tuwing kakainin, hindi n’yo nakakalimutan magpanggap bilang pari.

 

Kung mapapansin, lahat ng mga pagkaing nabanggit ay mabibili lang sa halagang piso. Ating mapagtatanto na bukod sa mababaw ang kaligayahan nating mga bagets, tayo rin pala ay ang henerasyon ng mga kabataan na sa mga simpleng bagay lang, solve na solve na.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.