Baclaran church, anti-poor at illegal collectors sa NPD

 

NGITNGIT, PAREKOY, ANG nararamdaman ng mga manininda sa paligid ng Simbahang Katoliko sa Baclaran.

Ito ay dahil sa mariing hakbang ng pari sa Baclaran Church laban sa mga manininda roon. Kung tutuusin, hindi sakop ng simbahan o lupain nito ang lugar na pinagtitindahan. Pero abot-langit ang pagtutol nitong “best-friend” daw ng Diyos!

Dahil dito, ipinamumukha lamang nitong best-friend ng Diyos na wala ni katiting na pagmamahal sa maliliit at mahihirap ang kanilang simbahan.

Kasi naman, kung totoo na ang tungkol sa seguridad at kaayusan sa nasabing lugar ang tunay na dahilan ng kanyang pagmamarakulyo, hindi solusyon na palayasin ang mga manininda sa kanilang kapaligiran. Kundi humiling dapat ng karagdagang awtoridad na magmamantine sa nasabing lugar.

Ang nakikita ko, parekoy, gusto lamang ng nasabing pari na ang kanyang simbahan ay napapaligiran ng magagandang tanawin. At marahil ay gusto rin niya na napapalamutian ito ng perlas, diamante, jaspe, ginto at mga brilyante.

Sus naman, padre, hindi pa rito sa mundo magaganap ‘yang iniisip mo! Ipinangako nga ‘yan ni Kristo, at talaga namang matutupad ‘yan… Pero doon pa sa langit!

Kaya nga ang payo ko sa padre ay huwag ka munang masyadong matapobre dito sa lupa. Baka sa impiyerno ka mapunta! ‘Di ba turo ng best-friend mo ay mahalin ang maliliit at mahihirap? Grabe talaga, parekoy, ang “hang-over” sa kapangyarihan ni Padre Damaso! P’we!

 

TAHIMIK SI NPD Director, C/Supt. Antonio Decano sa kanyang opisina. Hindi lamang sa pang-iisnab niya sa mga mamamahayag na nasa kanyang erya, wala ring pakialam si Gen. Decano kahit sumasambulat na ang balita hinggil sa mga nangu-ngulekta sa mga iligalista sa Camanava.

Ang masakit, parekoy, habang hindi umiimik si Gen. Decano, nagmistulang signal naman sa mga iligalista sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na nakararating nga sa kanya, o kaya may basbas siya sa naiuulat na collection ni P03 Jojo Cruz.

Minsan daw ay may mga umaarbor kay Cruz ngunit tumanggi ito dahil siya naman daw ang malilintikan kay Maj. Lleva. Ayon sa ating “tawiwit” si Lleva raw ang katiwala ni Gen. Decano.

Ewan lang kung inire-report din ni P03 Cruz ang nakukuha niya mula sa jueteng ni Ed Pineda sa Valenzuela. Ipinangangalandakan rin kasi nitong si Ed Pineda na “Gatchalian” ang nasa likod ng kanyang operasyon.

Siyanga pala, parekoy, sumasabay na rin ang CIDG sa pangungulekta mula sa mga iligalista sa Camanava. Ang nakukulekta ni Alvin ay ipinadadaan naman kay Arnel Cruz.

Dapat sigurong mabusisi rin ito ni Gen. Sammy Pagdilao, Jr.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.