Baby at Nanay, Sugatan sa Humaharurot na Tricycle

SUGATAN ANG isang ina at ang kanyang isang taong gulang na anak makaraang salpukin ng isang humaharurot na tricycle driver sa tapat mismo ng kanila-ng bahay kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Kinilala ng Station Traffic Enforcement Unit (STEU) ng Caloocan  City Police Station ang mag-inang biktima na sina Maria Robina Lunario, 23, at ang anak nitong si Reign Rouie, isang taong gulang at pawang nakatira sa # 18, 12th Avenue ng nasabing lungsod.

Samantala, ang suspek ay nakilalang si Teodoro Name, 35 anyos, tricycle driver, naninirahan sa # 343, Int. 6-A. Mabini Street, Caloocan City.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-5:30 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa tapat ng bahay ng mga biktima sa nasabing lugar.

Nabatid, habang karga ng ni Lunario ang kanyang anak, walang anu-ano’y bigla na lamang na duma-ting ang isang tricycle na mabilis ang takbo at nabangga ang mag-ina.

Matapos ang insidente ay pinaandar na muli ng suspek ang kanyang tricycle at tumakas. Nang malaman ng padre de pamilya ang nangyari sa kanyang mag-ina na nasa loob lamang ng bahay ay agad nitong hinabol ang suspek.

Napilitang ihinto ng suspek ang kanyang minamanehong sasakyan dahil sa sikip ng eskinitang binabaybay niya. Gayundin ay hindi siya tinantanan ng habol ng asawa at ama ng mga biktima dahilan upang agad na maaresto ang suspek.

Samantala, agad namang idiniretso sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) ang mag-ina na agad ding nalapatan ng lunas at nasa mabuti na ring mga kalagayan sa tulong na rin ni Dr. Edina Bayani na siyang attending physician.

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries ang suspek na kasalukuyang nakadetine sa Jail Management System (JMS) ng Caloocan City Police Station.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.