Babala sa mga “Gimikerong” Kalalakihan

NOONG NOVEMBER 15 ng gabi, habang papalabas ng isang convenience store, hinarang ang estudyanteng si John Paul ng isang bugaw at inalok ng babae. Pumayag si John Paul at dumiretso silang dalawa ng babae sa isang malapit na motel sa Monumento sa Caloocan City.

Pagdating ng kuwarto, matapos makapaghubad ni John Paul ng kanyang mga damit, sinabi ng babae na maliligo muna siya. Pagkatapos mag-shower, hiniling ng babae kay John Paul na kung maari ay mag-shower din ito.

Sa halip na mag-shower, pinili ni John Paul na umihi lang. Paglabas niya ng CR, nakita niya sa akto na kinakal-kal ng babae ang kanyang wallet. Nang kumprontahin niya ang babae, naispatan niya ang isang P500 bill na nakasiksik na sa bra nito at isa pang P1,000 bill na nakaipit sa mga daliri ng kanyang paa.

Matapos mabawi ang mga dinekwat na pera sa kanyang wallet, nagdesisyon si John Paul na umuwi na lang. Pero bago pa man makalabas ng motel, pagdating ng front desk, nag-iskandalo si babae. Sa puntong iyon, bigla namang sumulpot ang bugaw ng babae at pinigilan si John Paul na makaalis.

Pagkalipas ng wala pang isang minuto, dumating si PO1 Pemar Taguinod at isa pang kasamahan nito. Dinala si John Paul sa presinto at ikinulong nang hindi man lang sinabi sa kanya kung ano ang kanyang kaso. Tinakot ni Taguinod si John Paul na mai-inquest at ang magiging piyansa niya ay P80,000. At para ‘di na raw matuloy ito, sinabihan ng pulis ang biktima na tumawag sa kanyang ina at aregluhin na lang ang pick-up girl at ang bugaw nito sa halagang P5,000.

Pero bago pa man dumating ang kanyang ina sa pre-sinto, nakita ni John Paul na namigay ng mga pagkain mula sa isang hamburger fast food chain at lechon manok food chain ang bugaw kay Taguinod at sa mga kasamahan nito sa presinto.

Matapos makapagbigay ang ina ni John Paul ng hini-hinging halaga kay Taguinod, agad siyang pinakawalan.

 

SI JAMES (‘di niya tunay na pangalan), isang junior executive sa isang bangko, ay napadaan sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City, madaling-araw ng isang Biyernes.

Pinara siya ng isang maganda at seksing babae na maayos ang pananamit. Dahil ito’y nag-iisa lang, inakala niyang ito’y galing sa gimikan at nangangailangan lang ng ride kaya huminto siya.

Sinabi ng girl kay James na iniwan daw siya ng kanyang mga kasamahan at malas lang at nawala rin ang kanyang bag kaya nais niyang magpahatid daw sana sa may BF Homes sa Kyusi. Dahil medyo malapit lang ito sa kanyang uuwian, pumayag si James.

Pero pumasok din sa isip niya na maaaring ito ay pick-up girl. At kung siya man ay pick-up girl, balak na rin ni James na ayain ito sa motel.

Pero ‘di pa man sila nakalalayo, biglang may nagwang-wang na mobile sa kanilang likuran. Pagpara ni James, sumakay sa likuran ng kotse niya ang isa sa mga pulis na nasa mobile. Sinabi ng pulis na ang babaeng sakay niya ay isang sex worker at pareho raw silang lumalabag sa city ordinance na anti-prostitution.

Tinakot ng pulis si James na ipapa-inquest siya at ang pick-up girl, at makararating sa media lalo na sa kanyang misis ang iskandalong iyon. Pero lahat ng iyon ay hindi raw mangyayari kapag siya ay nagbigay ng P50,000. Binigay ni James ang P8,000 na laman ng kanyang wallet pati na ang kanyang iPhone. Saka siya pinakawalan.

 

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.