BA’T AYAW SA PERFORMANCE CHECK?

KAUGNAY NG SUNUD-SUNOD na kapalpakan ng mga miyembro ng gabinete ni P-Noy, marami ang nagsusulong na magkaroon dapat ng “performance check” upang malaman maging ng publiko kung sino ang karapat-dapat manatili sa Palasyo.

Mabisang paraan din ito, parekoy, upang matukoy kung sinu-sino ang NPA (Non-Performing Asset) na dapat lang lumayas na.

Ang siste, mukhang hindi pabor ang Palasyo sa bagay na ito.

Sa totoo lang, parekoy, kapag hindi nagkaroon ng “performance check” sa bawat opisyal ng pamahalaan, darating ang araw wala nang matitirang matino sa ating gobyerno!

Dahil maging ang matitinong opisyal ng pamahalaan ay tiyak na maaapektuhan nito.

Aba eh, sinong siraulo pa ba ang patuloy na gagawa ng katinuan gayong kitang-kita mo na ang iyong mga kasamahang palpak ay patuloy namang namamayagpag?

Sa totoo lang, ayos lang sana kahit hindi na magpatupad ng “performance check” kung hindi makakapal ang pagmumukha ng mga animal sa ating pamahalaan!

Ang siste, parekoy, sa bawat kapalpakang nagagawa ng mga hinayupak… ang paulit-ulit na ipinangangalandakan ay may tiwala pa naman daw sa kanila ang Pangulong Noynoy Aquino.

Susmaryosep naman, mahal na Pangulo… ‘yang ganyang klaseng kapal ng mukha ng mga tauhan mo ayaw mo pang magsagawa ng “performance check”?

Sa totoo lang po, sa iyo ay may tiwala ang taumbayan…

At anuman ang mangyari sa iyong panunungkulan ay walang dapat sisihin kundi ang “majority” ng taumbayan na bumoto sa iyo.

Pero d’yan sa mga halimaw na nakapaligid kay P-Noy, sa totoo lang, parekoy, walang katiwa-tiwala sa kanila ang taumbayan.

Gaya na lamang nitong si Department of Tourism Secretary Alberto Lim, susmaryosep, parekoy, sa kapal naman talaga ng mukha ng mamang ito.

Aba eh, iniligtas na nga siya ni Usec. Romano… biruin mong nagawa pa ng lintek na sisihin ang nagbitiw na sa tungkulin na si Romano.

Kesyo, hindi raw niya alam itong mga bagay tungkol sa “slogan” na ‘Pilipinas Kay Ganda’.

Idinagdag pa nito na onorabol at karapat-dapat lang daw ang ginawa nitong pagbibitiw sa posisyon dahil nga sa tinatawag na “command responsibility”.

Kita na ninyo, parekoy, ultimo “command responsibility” ay hindi pa alam ng lintek na Sec. Lim.

Sa ngalan ng “command responsibility” Ginoong Sekretaryo Lim, ikaw dapat ang lumayas d’yan sa Department of Tourism!!!

Dahil kung totoo mang hindi mo alam ang ginawa ni Usec Romano, ibig sabihin “bobo” ka at walang silbi!!!

Pieryud!

INAANYAYAHAN KO PO kayong makinig sa aking programa sa radyo tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes sa DZME 1530kHz (dulong-kanan sa inyong talapihitan).

Ang programa ng inyong lingkod “ALARMA Kinse Treynta” ay maaari rin po ninyong mapanood sa internet sa ganu’n ding oras. Mag-log-on lamang sa www.dzme1530.com.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.